MANILA, Philippines – Inalis muna sa kanyang puwesto sa Department of Education (DepEd) ang ama ng estudyanteng sangkot sa pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.
Kinumpirma ito ni House budget sponsor Rep. Maria Carmen Zamora sa deliberasyon ng panukalang 2027 budget ng DepEd nitong Martes.
“The parent has already been relieved from his post as DRRM (Disaster Risk Reduction and Management) of the department and pending investigation,” ani Zamora.
Nauna nang sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na kailangang pansamantalang alisin sa tungkulin ang ama upang hindi ito masangkot sa isinasagawang imbestigasyon.
Ayon sa mga awtoridad, pag-aari ng ama ang 9mm pistol na ginamit ng kanyang anak sa pamamaril noong Setyembre 18. Sinabi ni Banga Mayor Albert Palencia na nakalagay umano ang baril sa isang vault na pinuwersa ng estudyante upang makuha ang armas.
Tatlong estudyante, kabilang ang shooter, ang nasawi sa insidente habang ilan pa ang nasugatan.
Sa budget deliberation, sinabi rin ni Zamora na walang hiwalay na internal policy ang DepEd hinggil sa gun ownership ng mga empleyado nito at inaasahang susunod ang mga personnel sa umiiral na mga batas sa wastong paghawak at pag-iingat ng baril. RNT