MANILA, Philippines – Muling bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado nitong Miyerkules matapos magbigay ng pag-asa sa mga trader ang nagpapatuloy na pag-uusap ng United States at Iran para sa posibleng diplomatic settlement.
Bumaba sa $99.18 kada bariles ang Brent crude futures habang nasa $90.17 kada bariles ang US West Texas Intermediate (WTI) sa unang bahagi ng trading nitong Setyembre 23. Nauna nang nagsara ang Brent sa mas mababa sa $100 kada bariles nitong Martes, sa unang pagkakataon mula Setyembre 8.
Sinabi ni US President Donald Trump na nagpapatuloy ang pakikipag-usap ng Washington sa Tehran at naniniwala siyang posibleng makamit ang isang kasunduan.
“I think that a settlement is going to be reached,” ani Trump matapos ang mga pagpupulong sa sidelines ng United Nations General Assembly sa New York.
Kasabay nito, nakatulong din sa pagbaba ng oil prices ang muling pagpapatakbo ng Saudi Arabia sa East-West oil pipeline nito patungong Red Sea at pagtaas ng oil exports ng Iraq, na nagpakalma sa pangamba sa kakulangan ng global supply.
Gayunman, nananatiling sensitibo ang oil market sa tensyon sa Middle East habang hinihintay kung hahantong sa konkretong kasunduan ang diplomatic talks sa pagitan ng US at Iran. RNT