MANILA, Philippines – Patuloy na tinutugis ng pulisya ang lalaking itinuturing na person of interest sa pagpatay sa babaeng natagpuan sa loob ng refrigerator sa isang apartment sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal.
Ayon kay PNP Public Information Office chief Col. Allen Rae Co, may nakabinbin nang warrant of arrest laban sa lalaki para sa hiwalay na kasong serious illegal detention kaya maaari siyang arestuhin sa oras na matunton ng mga awtoridad.
“We are actively looking for the suspect. As we’ve stated earlier, he still has a standing warrant of arrest for serious illegal detention,” ani Co.
Nilinaw ng PNP na hiwalay sa pagpatay sa babae ang naturang warrant habang patuloy pang binubuo ng mga imbestigador ang kaso kaugnay ng pagkamatay ng biktima.
Nauna nang sinabi ng pulisya na itinuturing na person of interest ang lalaking nagpakilalang live-in partner ng babae. Lumitaw din sa imbestigasyon na may nakabinbing serious illegal detention case laban sa dalawa, ngunit nakapagpiyansa na umano ang babae bago siya napatay.
Samantala, hinihintay pa ng mga awtoridad ang resulta ng DNA tests sa lalaking nagpakilalang ama ng biktima at sa umano’y kapatid nito upang pormal na makumpirma ang pagkakakilanlan ng babae.
Natagpuan ang bangkay noong Setyembre 16 matapos tumawag ng pulis ang may-ari ng apartment dahil sa masangsang na amoy mula sa unit. Batay sa paunang imbestigasyon, posibleng sinakal ang babae bago isinilid ang kanyang katawan sa refrigerator. RNT