Home NATIONWIDE PBBM seryosong pinag-iisipan absolute pardon kay Mary Jane Veloso

PBBM seryosong pinag-iisipan absolute pardon kay Mary Jane Veloso

4
0

MANILA, Philippines – Seryosong kinokonsidera ng Office of the President ang paggawad ng absolute pardon kay Mary Jane Veloso sa humanitarian grounds, ayon sa pahayag sa deliberasyon ng panukalang 2027 budget ng Malacañang nitong Miyerkules.

Kinumpirma rin ni Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing na isinasaalang-alang ng administrasyon ang naturang hakbang, ngunit wala pa siyang ibinigay na karagdagang detalye.

Sa plenary deliberations, tinanong ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago si Bataan Rep. Albert Garcia, budget sponsor ng Office of the President, hinggil sa panawagang pagkalooban ng executive clemency si Veloso.

“The Office of the President is seriously considering to grant absolute pardon to Mary Jane Veloso on humanitarian grounds in support of the government’s commitment to protecting Filipino migrant workers,” tugon ni Garcia.

Nang tanungin kung kailan maaaring magkaroon ng desisyon, sinabi ni Garcia na “There will be an announcement in a few days.”

Kasalukuyang nakakulong si Veloso sa Correctional Institution for Women matapos siyang maiuwi sa Pilipinas mula Indonesia noong Disyembre 2024. Naaresto siya sa Indonesia noong 2010 matapos makitaan ng 2.6 kilo ng heroin sa kanyang bagahe at kalaunan ay hinatulan ng kamatayan.

Nakaligtas siya sa nakatakdang execution noong 2015 matapos hilingin ng pamahalaan ng Pilipinas na payagan siyang tumestigo laban sa mga umano’y recruiter na inaakusahan niyang nagsamantala sa kanya.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na prerogative ng Pangulo ang paggawad ng executive clemency at kinakailangang suriin ang mga umiiral na kasunduan at legal na usapin kaugnay ng pagbabalik ni Veloso sa Pilipinas.

Sinabi naman ni Elago na ang posibleng pardon ay dapat sabayan ng mas matibay na hakbang laban sa human trafficking at pagpapalakas ng proteksyon para sa mga Filipino migrant worker. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here