MANILA, Philippines – Wala pang desisyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panukalang ipagpaliban ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa Nobyembre 2, 2026.
“Wala pa. Wala pa sa akin,” tugon ni Marcos nitong Miyerkules nang tanungin kung nakapagpasya na siya sa panukala.
Nauna nang in-adopt ng House of Representatives ang bersyon ng Senado na naglilipat sa BSKE sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 at nagtatakda ng limang taong termino para sa barangay at SK officials.
Habang wala pang bagong batas, nananatiling Nobyembre 2, 2026 ang legal na iskedyul ng BSKE sa ilalim ng Republic Act No. 12232. Patuloy din ang paghahanda ng Commission on Elections para sa halalan.
Nakatakda naman ang filing ng certificates of candidacy mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 5, maliban kung maisasabatas bago nito ang panukalang pagpapaliban ng eleksyon. RNT