Home NATIONWIDE Palasyo, nagkomento sa paghikayat ni Trump sa ICC members na kumalas

Palasyo, nagkomento sa paghikayat ni Trump sa ICC members na kumalas

3
0

MANILA, Philippines – Iginagalang ng Malacañang ang panawagan ni United States President Donald Trump sa mga bansang miyembro ng International Criminal Court (ICC) na kumalas sa international tribunal, habang nananatili ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pa muling sasali ang Pilipinas sa korte.

“Ang panawagan po ng U.S. ay iginagalang po natin at sa ngayon po ay ganoon pa rin po ang stance ng ating Pangulo,” ani Palace Press Officer Claire Castro nitong Miyerkules.

Sa kanyang talumpati sa United Nations General Assembly noong Martes, hinikayat ni Trump ang mga kasaping bansa na umalis sa ICC, na kanyang binatikos bilang isang institusyong wala umanong hurisdiksyon sa Estados Unidos.

Ayon kay Castro, hindi pa rin napapanahon para sa administrasyong Marcos ang muling pagsali ng Pilipinas sa ICC.

“Kung ano po iyong kanyang nasabi before, patungkol sa pagre-rejoin sa ICC, hanggang sa ngayon ay iyon pa rin po ang stance ng ating Pangulo,” aniya.

Umalis ang Pilipinas sa Rome Statute noong Marso 2019, isang taon matapos ihayag ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang withdrawal ng bansa.

Tinanong din si Castro kung makaaapekto ang panawagan ni Trump sa paghawak ng ICC sa kaso ni Duterte, na nahaharap sa crimes against humanity charges kaugnay ng kanyang war on drugs.

“Wala namang epekto,” tugon ni Castro, sabay sabing nakikita ng Malacañang na nagpapatuloy ang pagdinig at iginagalang ng prosecution, defense at iba pang partido ang proseso ng korte.

Kasalukuyang nakakulong si Duterte sa ICC Detention Centre sa The Hague habang nagpapatuloy ang paglilitis sa kanyang kaso. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here