Home NATIONWIDE Cayetano: Inter-agency dialogue, magpapalinaw sa isyu sa Laguna Lake projects

Cayetano: Inter-agency dialogue, magpapalinaw sa isyu sa Laguna Lake projects

4
0

MANILA, Philippines — Hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang Philippine Reclamation Authority (PRA), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Laguna Lake Development Authority (LLDA) na direktang mag-usap upang malinaw ang mga isyu sa mga kinukuwestiyong development at reclamation activities sa Laguna Lake.

Sa pagdinig ng Senate Finance Committee sa proposed 2027 budget ng PRA noong Setyembre 22, sinabi ni Cayetano na bukas ang Taguig City sa imbestigasyon ngunit dapat aniyang magkaroon din ng koordinasyon ang mga ahensyang sangkot.

“Ang issue ko ay sa DPWH at LLDA at saka sa inyo (PRA). Tatlo kayong gobyerno, bakit hindi kayo mag-usap?” ani Cayetano.

Sa naturang pagdinig, sinabi ni PRA Assistant General Manager Joseph John Literal na DPWH ang implementing agency ng isang Taguig Lakeshore project na inisyuhan ng cease-and-desist order. Sinabi rin ng PRA na nakikipag-ugnayan ito sa DPWH at LLDA kaugnay ng mga proyekto sa Laguna Lake.

Kinuwestiyon ni Cayetano kung bakit magkaiba umano ang naging pagtrato sa naturang proyekto at sa mas malaking Laguna Lakeshore Road Network, na DPWH din ang implementing agency.

“Kung nagpatawag kayo ng meeting ng DPWH at saka LLDA, kung inimbitahan n’yo ’yung local government, ’yung mga barangay involved, nangyari pa ba itong lahat na ito?” tanong ng senador.

Iginiit ni Cayetano na mahalaga ang imbestigasyon para sa pananagutan ngunit dapat umanong nakabatay ito sa koordinasyon at malinaw na datos upang maiwasan ang magkakasalungat na pahayag ng mga ahensya.

Nauna nang nagkaroon ng pagtatalo hinggil sa umano’y unauthorized reclamation o encroachment sa bahagi ng Laguna Lake sa Taguig, bagay na itinanggi at kinuwestiyon ni Cayetano. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here