MANILA, Philippines – Posibleng makaranas ng power interruptions ang ilang lugar sa Visayas mula hapon hanggang gabi matapos ideklara ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang red at yellow alert status dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente nitong Huwebes, Setyembre 24.
Nakatakda ang red alert mula alas-4 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi, habang yellow alert naman mula alas-2 hanggang alas-4 ng hapon at alas-9 hanggang alas-10 ng gabi.
Ayon sa NGCP, mayroon lamang 2,292 megawatts (MW) na available capacity ang Visayas grid laban sa peak demand na 2,495 MW.
Dahil ito sa hindi pagiging available ng ilang malalaking coal-fired power plant, kabilang ang Therma Visayas Inc. Unit 1, Panay Energy Development Corp. Unit 3 at KEPCO SPC Power Corp. Unit 2.
Pansamantalang hindi rin available ang power import mula Luzon dahil sa emergency shutdown ng Tabango-Kananga 230kV Line 2 para sa pagkukumpuni ng sirang kagamitan.
Ipinapahayag ang red alert kapag hindi sapat ang suplay upang matugunan ang demand at regulating requirement ng transmission grid, habang yellow alert naman kapag kulang ang operating margin para sa contingency requirement.
Para tugunan ang manipis na energy reserves, inatasan na ng Department of Energy (DOE) ang NGCP na mag-install ng mahigit 250 MW na battery energy storage system. Pinag-aaralan din ng DOE ang paggamit ng liquid fuel facilities para makatulong sa suplay ng kuryente. RNT/MDS