MANILA, Philippines — Isinusulong ang masusing pag-aaral sa posibleng epekto sa presyo ng pagkain at gastusin ng mga consumer ng panukalang pagbabago sa taripa ng imported frozen pork jowls.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Tariff Commission ang petisyon ng Department of Agriculture (DA) na baguhin ang tariff treatment sa frozen pork jowls. Nagsagawa ang komisyon ng public hearing noong Setyembre 21 at tumatanggap ng position papers mula sa mga stakeholder hanggang Oktubre 1.
Nais ng DA na magkaroon ng hiwalay na tariff line ang standalone frozen pork jowls at ituring ang mga ito bilang swine meat sa halip na edible offal.
Sa kasalukuyan, ipinapataw ang 5 porsiyentong taripa sa pork jowls na kabilang sa edible offal. Kapag itinuring itong swine meat, maaari itong mapasailalim sa mas mataas na tariff rates na ipinapataw sa imported pork.
Ayon sa DA, layunin ng pagbabago na mas maayos na ma-monitor ang importasyon at maihanay ang tariff treatment ng pork jowls sa aktuwal nitong commercial use bilang karne.
Tinataya rin ng ahensya na maaaring makalikom ng karagdagang P4 bilyong tariff revenues kapag naisakatuparan ang reclassification.
Gayunman, may pangamba mula sa ilang industry stakeholders na maaaring maidagdag sa production at operating costs ng food processors, restaurants at retailers ang mas mataas na import cost at kalaunan ay maipasa sa consumers.
Dahil dito, isinusulong na isaalang-alang sa pagdedesisyon hindi lamang ang proteksyon sa local hog industry kundi pati ang domestic supply, demand, import volumes at posibleng epekto sa presyo ng pagkain.
Nananatili pa sa proseso ng Tariff Commission ang panukala at wala pang pinal na desisyon sa pagbabago ng taripa sa frozen pork jowls. RNT