COTABATO CITY, Philippines – Umabot sa 99.9% ang accuracy rate ng Random Manual Audit (RMA) sa unang parliamentary election ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Batay sa Summary Report on Variance and Accuracy Rate: BARMM Parliament Election 2026, sinuri ang lahat ng 21 sample clustered precincts.
Nakakuha ng 100% accuracy rate ang regional parliament political party at sectoral group parliament members, matapos ikumpara ang tig-12,006 election returns (ERs) na binasa sa Automated Election System (AES) at RMA.
Samantala, 99.99% accuracy rate naman ang naitala sa mga ER para sa Parliament district representatives.
Idinaos ang unang parliamentary elections ng BARMM noong Setyembre 14, kung saan umabot sa 84.34% ang voter turnout o 2,018,478 sa kabuuang 2.393 milyong registered voters.
Magsisimula sa Oktubre 30 ang termino ng 80 bagong halal na miyembro ng Parliament, na pipili rin ng chief minister ng rehiyon. Ang unang halal na mga opisyal ay magsisilbi ng limang taon hanggang Hunyo 30, 2031. RNT/MDS