MANILA, Philippines – Hiniling ng Department of Justice (DOJ) sa Senado na ibalik sa P1.1 bilyon ang confidential funds nito para sa 2027 mula sa P579.4 milyon na nasa panukalang budget.
Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, maaapektuhan ng budget cut ang intelligence gathering, witness protection, at mga operasyon laban sa trafficking at cybercrime.
Mula sa P214 milyon na hiningi, P34 milyon lamang ang inilaan sa DOJ central office. Samantala, P319.9 milyon ang para sa Witness Protection Program mula sa P500 milyon na hinihingi.
P10 milyon lamang ang para sa Inter-Agency Council Against Trafficking, habang halos P35,000 kada buwan lang ang nakalaan para sa cybercrime operations.
Sinabi ni Vida na zero confidential fund ang National Coordination Center laban sa Online Sexual Abuse of Children kaya humiling siya ng kahit P5 milyon.
Ayon naman kay Sen. Panfilo Lacson, halos wala nang maa-accomplish sa P35,000 buwanang pondo para sa cybercrime. Sinabi ni Senate Finance Chair JV Ejercito na mas mahigpit na susuriin ang confidential at intelligence funds.
Samantala, nananatili sa P20 milyon ang confidential fund ng Bureau of Immigration. Ayon kay Commissioner Joel Anthony Viado, makatutulong ang dagdag na pondo sa halos 100 intelligence agents na nag-ooperate sa buong bansa, kabilang ang pagtugis sa mga pugante. Jocelyn Tabangcura-Domenden