ALFONSO, Cavite – Arestado ang isang security guard matapos umanong pasukin ang isang bodega at tangkaing nakawin ang ilang rolyo ng kable sa Brgy. Amuyong, Alfonso, Cavite.
Kinilala ang suspek na si alyas Christopher, tubong Bicol at residente ng Brgy. San Miguel 2, Silang, Cavite.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng roving inspection ang dalawang guwardiya sa Citi Global Tagaytay Clifton Resort Suites nang mapansin nilang nasa loob ng bakuran ang suspek.
Hinabol at naaresto ang suspek bago pa man ito tuluyang makaakyat sa bakod.
Nabatid na pinasok umano nito ang bodega matapos sirain ang padlock ng pinto. Nakita sa loob ang mga kahon ng THHN wires, dalawang rolyo ng THHN 14mm wire at limang rolyo ng 8.0mm wire.
Nakita rin ang isang tricycle na Barako 175 na may sidecar at plakang DPQ467 na umano’y gagamitin bilang getaway vehicle.
Napag-alaman ding dati nang inireklamo ang suspek ng biktima noong Hulyo 27, 2026 sa kahalintulad na insidente, ngunit nakapagpiyansa matapos makipag-ayos sa biktima. MARGIE BAUTISTA