Home OPINION MAKAKAIN BA PALIWANAG?

MAKAKAIN BA PALIWANAG?

1
0

PANAY-PANAY ang paliwanag ng Malacañang tungkol sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis. Paulit-ulit na ipinapaliwanag ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro ang posisyon ng pamahalaan, pero sa totoo lang, hindi na nakatutulong ang paliwanag. Mas lalo lamang nitong pinapainit ang ulo ng mga Pilipinong araw-araw na humaharap sa mataas na gastusin.

Hindi paliwanag ang kailangan ng taong pumipila sa gasolinahan. Hindi paliwanag ang kailangan ng pamilyang nagbibilang ng natitirang pera bago mamili ng pagkain. At lalong hindi paliwanag ang kailangan ng mga manggagawang halos maubos ang kinikita sa pamasahe, gasolina, pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.

Ang ipinagmamalaking ayuda ang laging isinusulong. Pero makakain ba ng mga tao ang paliwanag? Makakarga ba sa tangke ng sasakyan ang ayuda? (Talagang pinasabog mo Juan!-Ed)

Totoo, may tulong na inilaan para sa transport sector. Pero paano naman ang private motorists na araw-araw ding sumasagupa sa presyo ng langis? Hindi naman kami nakatira sa ibang planeta. Kapag tumaas ang krudo at gasolina, tumataas din ang gastos sa pagpasok sa trabaho, pagnenegosyo, paghahatid ng mga anak, pagpunta sa ospital at iba pang pang-araw-araw na gawain.

At kapag tumataas ang presyo ng gasoline, hindi lang transportasyon ang apektado. Sumusunod ang presyo ng pagkain, serbisyo at iba pang bilihin.

Kaya habang ang pamahalaan ay abala sa pagpapaliwanag at pag-aanunsyo ng ayuda, aba, ang ordinaryong Pilipino naman ay abala sa paghahanap ng paraan kung paano pagkakasyahin ang maliit na kita sa lumalaking gastusin.

Masakit lang isipin na sa bawat programang ayuda, may mga tunay na nangangailangan, pero may mga pagkakataon ding nababahiran ito ng alegasyon ng katiwalian at pagtagas ng pondo. Hindi ba totoo naman? Kapag ang tulong ay hindi makarating sa lahat ng dapat makinabang, lalo lamang nabibigatan ang ordinaryong mamamayan. Huwag na magsinungaling! May nakawan pa rin naman sa ayuda!

Hindi sapat ang paliwanag. Itigil na ayuda. Ang dapat ay tanggalin na ang excise tax.

Ang kailangan ng bayan ay konkretong hakbang na mararamdaman sa presyo ng langis at sa hapag-kainan—hindi puro salita mula sa Malacañang.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here