PINARANGALAN ng Social Security System (SSS) ang mga kumpanya, institusyon, financial partners, media
organizations, at iba pang katuwang na may mahalagang ambag sa pagpapalawak at pagpapalakas ng
social security protection para sa mga manggagawang Pilipino at kanilang mga pamilya.
Isinagawa ang 2026 Balikat ng Bayan Awards sa SSS Corporate Office sa Lungsod ng Quezon bilang
bahagi ng mga aktibidad para sa ika-69 na anibersaryo ng ahensiya. Ayon sa SSS, layunin ng taunang
pagkilala na bigyang-halaga ang mga employer at partner na tumutulong upang maging mas maayos,
mabilis, at accessible ang mga serbisyo nito sa mga miyembro sa loob at labas ng bansa.
Binigyang-diin ni SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph de Claro na nakasalalay sa
matibay na ugnayan ng SSS sa mga employer at partner organizations ang patuloy na paghahatid ng
social security benefits at serbisyo sa mga manggagawa.
Sa taong ito, itinanghal na Top Employer sa Large Accounts category ang Golden Arches Development
Corporation, habang nagwagi naman sa Branch Accounts category ang Lachi’s Dessert Bakery, Inc.
Sa Best Collection Partner category, kinilala ang Union Bank of the Philippines (Universal/Commercial
Bank), Rang-ay Bank, Inc. (Thrift/Rural Bank), CIS Bayad Center, Inc. (Non-Bank), at Ventaja
International Corporation (Overseas Partner).
Samantala, pinarangalan sa Best Disbursement Partner category ang BDO Unibank, Inc.
(Universal/Commercial Bank), Philippine Savings Bank (Thrift Bank), BDO Network Bank, Inc. (Rural
Bank), at DiskarTech ng Rizal Commercial Banking Corporation (Digital Bank).
Kinilala rin ang Local Government Unit of Valencia, First Community Cooperative, at Community Saving
and Credit Association Farmers bilang Best Accredited Partner Agents. Nagkaloob din ang SSS ng
special citations sa Development Bank of the Philippines, First Metro Investments Corporation, Land
Bank of the Philippines, DoubleDragon Corporation, Department of Foreign Affairs, at Commission on
Filipinos Overseas.
Muling ipinaalala ng SSS ang kasalukuyang 15 percent contribution rate mula noong Enero 2025 at ang
probisyon ng Republic Act No. 11199 o Social Security Act of 2018. Nagbabala ang ahensiya na ang hindi
pagre-remit ng kontribusyon ay may kaukulang unpaid contributions at dalawang porsiyentong (2%)
penalty bawat buwan.






