Home TOP STORIES TIEZA, Iloilo gov’t pinag-usapan multi-level parking sa Sta. Barbara government center

TIEZA, Iloilo gov’t pinag-usapan multi-level parking sa Sta. Barbara government center

68
0

ILOILO — Tinalakay nina Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) Chief Operating Officer Mark Lapid at Iloilo Governor Arthur Defensor Jr. ang planong multi-level parking facility para sa Iloilo Smart Green Government Center sa Sta. Barbara, Iloilo.

Isinagawa ang pagpupulong sa Iloilo Provincial Capitol bago nagtungo sina Lapid, Defensor, Sta. Barbara Mayor Dennis Superficial at iba pang lokal na opisyal sa mismong development site sa Barangay Bolong Oeste.

Ayon sa Iloilo Provincial Government, naglaan si Lapid ng commitment na P250 milyon para sa proposed six-storey parking building na planong itayo sa pangunahing pasukan ng government center. Ang proyekto ay dadaan pa sa kaukulang proseso ng TIEZA.

Layunin ng parking facility na matugunan ang inaasahang pagdami ng mga sasakyang pupunta sa complex at mapadali ang pagpasok ng mga taong may transaksyon sa mga tanggapan ng gobyerno.

Itinatayo ang Smart Green Government Center sa 6.3 ektaryang lupain ng provincial government sa Barangays Bolong Oeste at Inangayan. Kasalukuyan nang ginagawa ang Phase I ng six-storey multi-purpose building na paglalagyan ng ilang national government agencies.

Kasama rin sa expanded development plan ang convention facility, sports stadium, commercial spaces at iba pang pasilidad. Malapit ang government center sa Iloilo International Airport at Iloilo Golf and Country Club.

Nauna nang humingi si Defensor ng suporta sa TIEZA para sa development ng government center, kabilang ang proposed convention facility. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here