MANILA, Philippines – ARESTADO ang dalawang indibidwal kabilang ang 22-anyos na drug suspect nang mahuli sa akto na naglalaro umano ng illegal na sugal sa Valenzuela City, Huwebes ng gabi.
Mahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-Illegal Gambling La) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) si alyas “Alvin”, 22, vendor at residente ng Brgy., Malinta.
Sa ulat ni SDEU investigator PSSg Alfredo Mendoza III kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, dakong alas-11:15 ng gabi, nagsasagawa ng ‘Oplan Galugad’ ang mga operatiba ng Police Sub-Station 9 sa Industrial Street, Barangay Karuhatan.
Dito, naaktuhan nila ang dalawang kelot na nagsusugal umano ng ‘lucky 9’ kaya kaagad silang nilapitan nina Pat Nelson Quiaño Jr. at Pat Bryan Varona saka nagpakilala bilang mga pulis bago inaresto ang mga ito.
Nasamsam sa dalawa ang pera taya na aabot sa P315, gamit na baraha at isang glass tube na naglalaman ng bahagyang sunog na pinatuyong dahon ng marijuana na nakuha kay ‘Alvin’. Merly Duero