Home NATIONWIDE Absolute pardon kay Mary Jane Veloso, ikinagalak ni Pangilinan

Absolute pardon kay Mary Jane Veloso, ikinagalak ni Pangilinan

1
0

MANILA, Philippines – Ikinatuwa ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan nitong Biyernes, Setyembre 25 ang pagbibigay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng absolute pardon kay Mary Jane Veloso.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na magkakaroon ng pagkakataon ang dating OFW at ang kanyang pamilya na mabawi ang mga taong nawala sa halos 16 na taong kalbaryo.

“Kinalulugod natin ang paggawad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng absolute pardon kay Mary Jane Veloso,” ani Pangilinan.

“Matapos ang mahabang pagkakahiwalay, unti-unti nang mabibigyan ng pagkakataon si Mary Jane at ang kanyang pamilya na mabawi ang panahong nawala sa kanila — at muling simulan ang buhay na matagal nilang ipinagdasal,” dagdag pa niya.

Inaresto si Veloso sa airport sa Yogyakarta, Indonesia, noong Abril 25, 2010 matapos matagpuang may tinatayang 2.6 kilo ng heroin na nakatago sa kanyang maleta.

Iginiit niyang wala siyang alam na may droga roon. Nahatulan siya ng drug trafficking at sinentensyahan ng kamatayan sa parehong taon.

Napigilan sa huling minuto ang kanyang execution noong Abril 2015 matapos sumuko sa mga awtoridad ng Pilipinas ang umano’y mga nag-recruit sa kanya at ipinaalam ng Maynila sa Jakarta na mahalaga ang testimonya ni Veloso sa kaso laban sa mga ito.

Nanatili siya ng ilang taon sa kustodiya ng Indonesia.

Matapos ang matagalang negosasyon sa pagitan ng Maynila at Jakarta, naibalik si Veloso sa Pilipinas noong Disyembre 2024 at ikinulong sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong.

Noong Hunyo 2026, tumestigo siya sa kaso sa Pilipinas laban sa mga taong inakusahan niyang nag-recruit at nag-traffic sa kanya.

Sinabi ni Pangilinan na ang kaso ni Veloso ay nagpapakita ng panganib na hinaharap ng mga Pilipinong nangingibang-bansa para magtrabaho.

“Tulad ni Mary Jane, maraming OFW ang nangingibang-bansa para sa kanilang pamilya. Umaalis para mapag-aral ang mga anak, masuportahan ang pamilya, at magkaroon ng marangal na trabaho,” aniya.

“Habang ipinagdiriwang natin ang kalayaan ni Mary Jane, tuloy-tuloy nating singilin ang mga illegal recruiter, human trafficker, at drug syndicate na sinasamantala ang pangarap at kahinaan ng ating mga kababayang OFW,” dagdag pa ni Pangilinan. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here