MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na dapat na igalang at dapat na sundin anuman ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa inihaing petition for certiorari kaugnay sa kinukuwestiyong voting threshold kapag nagbotohan na sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang pahayag ng Malakanyang matapos na maghain ng petition for certiorari sa Korte Suprema si dating Executive Secretary Victor Rodtiguez para ideklarang null and void ang Senate ruling at humiling din ng Temporary Restraining Order (TRO) at Writ of Preliminary Injunction para mapatigil ang impelentasyon ng bagong patakaran sa pagboto.
“Unang-una po, sa petition for certiorari na isinampa sa Supreme Court hindi naman po party ang Malacañang. Ang Ehekutibo ay hindi party sa kaso,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Gayunman, sinabi ni Castro na anuman ang maging desisyon ng Korte Suprema ay dapat na tuparin.
“So, sa ngayon kung anong magiging desisyon ng Supreme Court dapat tuparin, dapat igalang hindi lang sa panahon ngayon kung hindi sa mga susunod na henerasyon,” aniya pa rin.
Pinalagan naman ni Castro ang alegasyon na interesado ang administrasyon sa kalalabasan ng impeachment case.
Hinamon ni Castro ang mga gumagawa ng akusasyon na patunayan ang kanilang mga sinabi.
“Hindi sa parte ng Pangulo o sa parte ng administrasyon magsasabi na hindi nakikialam. Dapat nila munang patunayan kung totoong nakikialam,” anito.
“Dahil kung ito ay haka-haka lang nila, ginagawa lamang nila itong intriga, binibigyan lamang ng negatibong impresyon ang Pangulo, ang administrasyon ay hindi po ito dapat sinasagot,” diing pahayag ni Castro. KRIS JOSE