Home NATIONWIDE Win-win solution hangad ng Palasyo sa panukalang social media regulation

Win-win solution hangad ng Palasyo sa panukalang social media regulation

2
0

MANILA, Philippines – NANAWAGAN ang Malakanyang para sa ‘balanced approach’ sa panukalang obligahin ang mga social media platform na kumuha ng congressional franchise para mag- operate sa Pilipinas.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ang panukala ay nangangailangan ng masusi at maingat na pag-aaral dahil ang social media ay ginagamit hindi lamang ng mga kabataang filipino kundi maging sa pagnenegosyo at iba pang sektor.

“So, dapat aralin, dapat balanse dahil hindi naman natin puwedeng matanggalan din ng karapatan ng ibang mga kababayan natin dahil sa mga nangyayari sa ating mga kabataan,” ani Castro.

Sinabi ni Castro na bukas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga hakbang na makapagbibigay limitasyon sa mga kabataan na malantad sa mapaminsalang nilalaman sa online subalit nais ang “win-win” solution para sa mga gumagamit at social media platforms.

Tinuran ni Castro na pag-aaralan ni Pangulong Marcos ang panukalang batas bago pa gumawa ng desisyon.

“Dapat po win-win solution sa ating mga mamamayan at pati na rin po sa mga social media platforms,” ayon kay Castro.

Nanawagan naman si Castro para sa whole-of-nation approach para tugunan ang mga pag-atake sa eskuwelahan, na kanyang iniuugnay sa paglaganap na para sa kanyang paglalarawan ay “nihilistic violent extremism” online.

Aniya, ang social media users, partikular na ang mga kabataang pinoy ay dapat na protektado mula sa mga indibiduwal na nagpo-promote ng violent extremism at disinformation sa online.

Dahil dito, hinikayat ni Castro ang social media platforms na makipagtulungan sa gobyerno sa pagtugon sa maling paggamit ng kanilang serbisyo.

“Kailangan din po kayong magbigay ng inyong pangako at kung papaano ninyo rin po matutulungan ang bawat gobyerno, hindi lang ang Pilipinas, bawat bansa kung paano ninyo masusolusyunan ang mga ganitong klaseng problema. Hindi dapat puro kita lang, kailangan din ay may puso,” aniya pa rin. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here