MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang dagdag-pasahe sa mga bus at iba pang public transport na epektibo sa Lunes, Setyembre 28, 2026.
Para sa ordinary Metro at City bus, magiging ₱15 ang unang kilometro at may dagdag na ₱2.49 sa bawat susunod na kilometro.
Sa air-conditioned Metro at City bus naman, ₱18 ang unang kilometro at ₱2.98 ang dagdag sa bawat susunod na kilometro.
Magkakaroon din ng 15% dagdag-pasahe sa Point-to-Point buses, depende sa ruta.
Para sa provincial buses, magiging ₱12 ang unang kilometro, habang ang dagdag sa mga susunod na kilometro ay ₱2.20 para sa ordinary, ₱2.45 sa air-conditioned, ₱2.60 sa deluxe, ₱2.70 sa super deluxe at ₱3.35 sa luxury bus.
Samantala, ang bagong pamasahe sa TNVS ay ₱65 para sa sedan, ₱75 sa AUV/SUV, ₱55 sa hatchback at ₱165 sa premium. Nasa ₱15 kada kilometro naman ang pick-up fare.
“The implementation of the fare hike will begin on Monday, September 28, 2026,” ayon sa LTFRB.
Nauna nang inaprubahan ng Department of Transportation ang rekomendasyon ng LTFRB na ipatupad ang fare increase na sinuspinde noong Marso. RNT/MDS