Home NATIONWIDE CHED kay Bam: P25K RLE ayuda sa 19K nursing students, ibibigay simula...

CHED kay Bam: P25K RLE ayuda sa 19K nursing students, ibibigay simula Oktubre

1
0

MANILA, Philippines – Nangako ang Commission on Higher Education (CHED) kay Senador Bam Aquino na sisimulan sa unang linggo ng Oktubre ang pagbibigay ng one-time na P25,000 financial assistance para sa Related Learning Experience (RLE) ng 19,000 nursing at allied health sciences students.

Sa budget hearing ng CHED noong Biyernes, iginiit ni Aquino kay CHED Chairperson Shirley Agrupis na magbigay ng tiyak na timeline para sa pagpapalabas ng assistance—na tinawag na Allied Health Experiential Assistance for Deserving Students (AHEAD) Grant—na pinondohan mula sa P500 milyon na kanyang isinulong na maisama sa 2026 national budget.

“Ma’am, iyong RLE natin, alam ko may SARO (Special Allotment Release Order) na daw ‘yon. When are you releasing the RLE scholarships?” tanong ni Aquino.

Ipinaliwanag ni Agrupis na natapos na ng CHED ang guidelines at natanggap na ang SARO noong Setyembre 9, ngunit hinihintay pa nito ang Notice of Cash Allocation (NCA) bago mailabas ang pondo.

“Your commitment, Chair Shirley, on the record: First week of October, magsisimula na po tayong mag-release ng scholarship sa mga qualified. Tama po?” giit ni Aquino.

“I want to put it on record. First week of October, first release; second week to third week, and fourth week to third week of November. Magki-Christmas po sila nang masaya,” tugon ni Agrupis.

Ayon kay Agrupis, nakatanggap ang CHED ng 60,424 applications, kung saan 28,071 ang kwalipikado, ngunit 19,000 slots lamang ang available sa ilalim ng programa.

Nauna nang nanawagan si Aquino sa CHED na tiyaking ang P35.45-bilyong proposed budget nito para sa 2027 ay magbibigay ng sapat na suporta sa mga estudyante hindi lamang upang makapasok sa kolehiyo, kundi upang makapagtapos at makahanap ng magandang trabaho.

Sa kanyang opening statement, sinabi ni Aquino, principal sponsor ng Free College Law, na kailangang tugunnan ng pamahalaan ang iba pang gastusin na maaaring maging hadlang sa pagtatapos ng mga estudyante.

“As we review the budget, we should all ask a very simple question: Kapag nakapasok ang isang estudyante sa kolehiyo, may sapat na ba siyang suporta para makapag-tapos? Iyon ho siguro ang isang tanong na kailangan ho nating harapin. Sapat na ba ang nakukuha niyang suporta para makapag-tapos?” sabi ni Aquino, chairperson ng Committee on Basic Education.

Sa panukalang CHED budget, P27.79 bilyon, o 78 porsyento, ang nakalaan para sa Free College Law. Samantala, may panukalang budget na P141.09 bilyon ang State Universities and Colleges (SUCs), na mas mataas ng P3.18 bilyon kumpara sa kanilang 2026 allocation.

Bagama’t nakatulong ang libreng tuition sa SUCs upang makapag-aral sa kolehiyo ang milyun-milyong Pilipino, sinabi ni Aquino na patuloy pa ring pinapasan ng mga pamilya ang gastos sa pamasahe, pagkain, school supplies, at iba pang pangangailangan sa pag-aaral.

Binigyang-diin ni Aquino ang pangangailangang tiyakin ang sapat na pondo para sa Free College Law at Tertiary Education Subsidy (TES), lalo na sa pinalawak na coverage sa ilalim ng Republic Act No. 12325, na isa siya sa may-akda.

Sa ilalim ng bagong batas, kasama na sa TES coverage ang internship at RLE fees, isang probisyong itinulak ni Aquino sa proseso ng pagbuo ng batas upang makatulong na matupad ang kanyang campaign promise sa nursing at allied health students.

Nanawagan din siya sa CHED na malinaw na tukuyin ang bilang ng mga estudyanteng nangangailangan ng RLE at internship assistance, alamin ang kinakailangang pondo, at tiyaking napapanahon at maayos na nakararating ang financial support sa mga benepisyaryo. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here