PAG-ASA ISLAND, Palawan, Philippines – Inilabas ng Philippine National Maritime Council (NMC) ang updated maritime chart ng Pag-asa Island, Lawak Island at iba pang features sa Kalayaan Island Group bilang bahagi ng pag-update sa opisyal na maritime information ng bansa sa West Philippine Sea.
Ayon kay Presidential Assistant for Maritime Concerns Secretary Andres Centino, isinagawa ang charting bilang bahagi ng mga itinakdang gawain ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) at Philippine Navy.
Ipinapakita sa updated chart ang lalim ng karagatan, high- at low-tide features at contours ng mga isla. Isusumite rin ito sa United Nations, gaya ng official nautical chart ng Bajo de Masinloc o Scarborough/Panatag Shoal na isinumite noong Hulyo 29.
Ayon kay Centino, kailangang i-update ang mga chart dahil maaaring nagbago ang contour ng mga isla dahil sa panahon at patuloy na pagpasok ng tubig.
Binigyang-diin ni Centino na ang charting ay bahagi ng sovereign function ng Pilipinas sa mga feature sa West Philippine Sea.
Kasabay ng paggunita sa Maritime and Archipelagic Nation Awareness Month, bumisita rin sa Pag-asa Island ang ilang opisyal ng pamahalaan, kabilang si National Anti-Poverty Commission Secretary Manny Pacquiao, upang maghatid ng ayuda at iba pang suporta sa mga residente.
Naganap ang pagbisita habang patuloy na namo-monitor ang presensya ng mga Chinese vessel sa karagatang malapit sa isla. RNT/MDS