PALAWAN, Philippines – Kinumpirma ng Department of Agriculture–Bureau of Animal Industry ang isang kaso ng African swine fever (ASF) sa Barangay Concepcion, Agutaya, Palawan, ayon sa provincial government nitong Biyernes, Setyembre 25.
Nakikipag-ugnayan ang pamahalaang panlalawigan sa Provincial ASF Task Force, Agutaya municipal government at iba pang ahensya para mapigil ang pagkalat ng sakit. Nagpatupad na rin ng quarantine measures at checkpoints sa bayan.
Hinimok ang mga residente na sumunod sa quarantine rules at makipagtulungan sa mga checkpoint, lalo na sa pagkontrol sa pagpasok at paglabas ng mga tao at produkto.
Nilinaw ng pamahalaang panlalawigan na baboy lamang ang naaapektuhan ng ASF at hindi ito nakahahawa sa tao. Gayunman, maaari itong kumalat sa pamamagitan ng kontaminadong pork products, kagamitan, sasakyan, sapatos at iba pang materyales.
Pinayuhan ang mga hog raiser na agad ireport ang kakaibang pagkakasakit o biglaang pagkamatay ng kanilang mga baboy at huwag ibenta, ilipat o katayin ang mga pinaghihinalaang may ASF. RNT/MDS