CORON, Palawan, Philippines – Ipinagpatuloy ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Sabado ang search and rescue operation para sa walong nawawalang pasahero ng M/V June Aster sa karagatan at baybayin ng Calanhayaun Island, Barangay Tara, Coron.
Nagsagawa ng maritime at foot patrol at shoreline monitoring ang mga tauhan ng Coast Guard District Palawan, Disaster Response Group at Special Operations Group, kasama ang crew ng BRP Suluan at Marine Environmental Protection-Northeastern Palawan.
Gumamit din ang PCG ng HSRB-011, rubber boats at drones para sa search at aerial surveillance sa baybayin at mga kalapit na lugar.
Ayon sa PCG, walang nakitang oil sheen sa lugar. Patuloy ang search and rescue at maritime response operations hanggang makumpleto ang kinakailangang paghahanap.
Nasangkot sa sunog ang M/V June Aster sa karagatan ng Coron nitong mga nakaraang linggo, na ikinasawi ng ilang pasahero at crew at nag-iwan ng ilang nawawala. RNT/MDS