MANILA, Philippines – Inaasahang haharap sa Senate impeachment court sa Martes at Miyerkules si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte upang tumestigo sa impeachment case laban sa kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte, ayon kay Senate President at presiding officer Francis Escudero.
Ayon kay Escudero, pinagbigyan niya ang kahilingan ni Mayor Duterte na humarap sa Setyembre 29 at 30. Humiling din ang alkalde ng sapat na oras upang tipunin, ayusin, patunayan, at kopyahin ang mga dokumentong subpoenaed na may kaugnayan sa kanyang testimonya.
Nakatuon ang kanyang testimonya sa Article II ng Articles of Impeachment, na naglalaman ng mga alegasyon hinggil sa hindi maipaliwanag na yaman, hindi kumpletong pagsisiwalat ng mga ari-arian, at hindi pag-divest ng business interests ni Vice President Duterte habang nasa puwesto.
Sa paglilitis, ibinunyag ng isang testigo na ang Davao City government ay nakapagbigay ng mga kontratang nagkakahalaga ng P34.2 milyon sa GenCorp Industries Inc.
Naging usapin ang GenCorp matapos ideklara ni Vice President Duterte sa kanyang 2024 at 2025 Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) na mayroon siyang interes sa kumpanya bilang stockholder. Gayunman, sinabi ng isang opisyal ng Securities and Exchange Commission (SEC) na hindi nakalista si Duterte bilang incorporator, director o stockholder ng GenCorp sa mga corporate records na isinampa sa ahensya.
Nauna nang sinabi ni Mayor Duterte na wala siyang kaalaman sa pagkakasangkot ng kanyang kapatid sa kumpanya at hindi lumilitaw ang pangalan nito sa mga corporate document ng GenCorp. RNT/MDS