Home METRO Pulis na nanutok ng baril sa babae sa Malabon, wanted

Pulis na nanutok ng baril sa babae sa Malabon, wanted

3
0

MALABON CITY, Philippines – PINAGHAHANAP ngayon ng kanyang mga kabaro ang isang pulis na nakatalaga sa PNP Anti-Cyber Crime Group matapos ireklamo ng panunutok ng baril sa isang babae sa Malabon City, Linggo ng madaling araw.

Sa ipinarating na ulat ng Malabon City Police Station kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dumalo sa isang kapistahan sa Brgy. Potrero ang biktima, kasama ang isa pa, nang lapitan sila ng senglot na pulis dakong alas-5 ng madaling araw.

Hinahanap ng pulis ang nawawalang cellphone at naglabas umano ito ng baril saka itinutok sa ulo at leeg ng babae hanggang mamagitan ang mga taong nakapaligid kaya napayapa ang sitwasyon.

Nang umalis ang suspek, humingi ng tulong ang babae sa Police Sub-Station 1 sa Potrero subalit hindi na inabutan ng nagrespondeng pulis ang kanilang kabaro at hindi na rin matagpuan sa tanggapan ng Anti Cyber Crime Response Team sa Northern District kung saan siya nagre-report.

Dinala naman ng pulisya sa Malabon City Police Station ang biktima at kanyang kasama na tatayo bilang testigo upang maghain ng pormal na reklamo laban sa naturang parak.

Tiniyak naman ng Malabon City Police Station na tutugunan nila anumang reklamo o insidenteng may pagbabanta sa buhay gamit ang baril kahit pa kabaro nila ang nasasangkot. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here