Home METRO Biyuda, dinakip; bangkay ng lolo sa tabi nito, drug paraphernalias, natagpuan

Biyuda, dinakip; bangkay ng lolo sa tabi nito, drug paraphernalias, natagpuan

1
0

VALENZUELA CITY, Philippines – DINAKIP ng pulisya ang 40-anyos na biyuda nang makuhanan ng mga drug paraphernalia sa loob ng bahay kung saan iniulat ang pagkamatay ng 69-anyos na lolo sa Valenzuela City, Linggo ng hapon.

Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Director Benliner Capili, alas-5:30 ng hapon nang humingi ng tulong sa Police Sub-Station 8 ang 60-anyos na si alyas “Romy” matapos madatnan niya ang bangkay ng kanyang nakatatandang kapatid sa bahay nito sa Villa San Jose St. Purok 4, Brgy., Mapulang Lupa.

Nang magtungo sa lugar sina P/MSg Nordan Damiar at P/SSg Rafaelito Santos, nadatnan nila ang nakahandusay na bangkay ng biktimang si alyas “Jordan” habang namataan nila ang biyudang si alyas “Jonalyn” na nakaupo sa sofa at sa harap nito ang mga drug paraphernalia na nakapatong sa mesa na dahilan para siya arestuhin.

Bago nadiskubre ang bangkay ay narinig pa ng kanilang kapitbahay ang mainitang pagtatalo ng biktima at ni alyas Jonalyn bagama’t wala namang nakitang senyales na may nangyaring karahasan at wala ring anumang sugat sa katawan na nakita ang pulisya sa bangkay

May rekord naman ang puilsya na nagpapatunay na inaresto na nila noon ang nasawi sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga at sumasailalim din ito sa pagpapagamot sa Mental Hospital sanhi ng sakit sa pag-iisip.

Isasailalim naman sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang matukoy ang sanhi ng kanyang pagkamatay habang gagamitin namang ebidensiya ng pulisya ang nakumpiskang iba’t-ibang uri ng drug paraphernalia para sa pagsasampa ng kaso laban kay alyas Jonalyn. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here