Home HOME BANNER STORY Baste idineklarang hostile witness ng impeachment court

Baste idineklarang hostile witness ng impeachment court

2
0

MANILA, Philippines – Idineklara ng Senate Impeachment Court nitong Martes, Setyembre 29 na isang “hostile witness” si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa ika-31 araw ng impeachment trial ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.

Dahil sa hatol na ito, papayagan ang House prosecution panel na magtanong ng leading questions o tanong na masasagot ng “oo” o “hindi” kay Mayor Duterte habang siya ay nasa witness stand.

Ipinatawag si Baste upang tumestigo sa mga transaksyon ng Davao City government sa GenCorp Industries Inc. — kumpanyang idineklara ni VP Duterte na may business interest siya sa kanyang 2024 at 2025 Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.

Hiniling ng prosecution na ituring na hostile witness si Baste dahil sa relasyon nito sa respondent at sa mga naunang pahayag nito na wala siyang alam sa interes ng kanyang kapatid sa GenCorp.

Iginiit din ng alkalde noon na naging maayos at naaayon sa proseso ang lahat ng transaksyon ng lungsod sa kompanya.

Sa pahayag noong nakaraang linggo, sinabi ni Mayor Duterte na may 19 na transaksyon ang Davao City sa GenCorp na nagkakahalaga ng P33.26 milyon.

Aniya, wala siyang kaalaman, pati na ang ibang opisyal at empleyado ng lungsod, na may interes si VP Sara sa kumpanya.

Idinagdag din niya na wala ang pangalang “Sara Zimmerman Duterte” o kahit ang apelyidong “Duterte” sa mga corporate document ng GenCorp na isinumite sa Securities and Exchange Commission kaugnay ng mga transaksyon ng lungsod.

Ang mga transaksyon sa GenCorp ay bahagi ng presentasyon ng prosecution sa Article II ng impeachment complaint — na kinabibilangan ng mga alegasyon ng unexplained wealth, maling deklarasyon ng assets, at hindi pag-divest sa mga business interests.

Isinubpoena ng impeachment court si Mayor Duterte para humarap at magsumite ng mga rekord ng Davao City government kaugnay ng mga transaksyon sa GenCorp at iba pang mga entidad na sakop ng utos ng hukuman.

Patuloy pa rin ang pagdinig ng Senado sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here