MANILA, Philippines – Nagpasalamat si Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Lunes ng gabi, Setyembre 28 kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vivencio “Vince” Dizon sa paglilinaw nito na patuloy pang iniimbestigahan ang mga flood control project sa Taguig City kaugnay ng mga umano’y iregularidad, sabay nagbabala muli laban sa maagang konklusyon na walang mga ghost project.
Tinukoy ni Lacson ang paglilinaw ni Dizon na patuloy pa ang imbestigasyon sa ilang proyekto sa Taguig at ang mga unang nakitang iregularidad ay kailangan pang sumailalim sa karagdagang validation.
“Thank you, Sec. Vince, for the clarification. I agree that preliminary inspection findings on several questionable flood control projects in Taguig—such as those on St. Timothy’s slope protection project—do not automatically prove a project was ‘ghosted,’ but we also cannot definitively conclude that no ‘ghost projects’ exist,” ani Lacson sa X.
Nilinaw ni Dizon na patuloy pang iniimbestigahan ang mga flood control project sa Taguig City kaugnay ng mga umano’y iregularidad—ilang araw matapos niyang tahasang sabihin sa isang Senate subcommittee hearing na tumalakay sa panukalang 2027 budget ng DPWH na walang ghost project sa Taguig.
Sinabi ni Dizon na may ilang proyekto sa Taguig na na-flag ng DPWH at isinumite ang paunang ulat sa Office of the Ombudsman “for further validation.” Sinabi niyang hinihintay pa nila ang “final report and final action” ng Ombudsman.
Ang paglilinaw ay kasunod ng pagbanggit ni Lacson sa mga natuklasan sa mismong site inspection reports ng DPWH na tila hindi tugma sa nauna nang pahayag ni Dizon.
Ayon kay Lacson, ipinakita sa mga ulat na isinumite ng mga tauhan mula sa DPWH Bureaus of Maintenance, Quality and Safety, Construction, at Research and Standards na ilang flood control project sa Taguig ang idineklarang completed ngunit hindi napatunayan ng mga inspection team ang aktuwal na presensya ng mga ito sa lugar sa iba’t ibang dahilan.
Sa ilang lugar, aniya, hindi ma-verify ng inspection teams ang proyekto dahil natakpan na ito ng panibagong proyekto.
Binanggit din ni Lacson ang pagsusuri ng DPWH sa mga billing photograph mula sa mga proyekto sa Taguig mula 2017 hanggang 2025 na posibleng magkakahawig. Sa 15,523 larawang sinuri gamit ang AI-based image similarity detection system, 1,079 pares ang na-flag dahil sa mataas na pagkakatulad, na kinasasangkutan ng 180 magkakaibang kontrata.
Noong weekend, ibinahagi ni Lacson ang mga detalye ng isang “Slope Protection along Taguig River Project” (Contract ID 220B0106), kung saan ang coordinates sa geotagged photos na kalakip ng mga billing report ay tumuturo sa Leyte, na nasa tinatayang 600 kilometro mula sa Taguig.
Batay sa mga rekord ng proyekto, tatlong lokasyon sa Tacloban City ang lumitaw sa mga geotagged photograph. Ipinakita rin ng mga rekord na nagbayad ang DPWH ng humigit-kumulang P96.5 milyon sa St. Timothy Construction Corp., na pag-aari ng pamilya Discaya.
Binigyang-diin ni Lacson na hindi isolated case ang St. Timothy Construction project kundi ang pinaka-“brazen and telling” sa ngayon, kabilang sa humigit-kumulang 68 proyekto kung saan nakapagtala ng mga red flag ang mga inspection team ng DPWH.
Nauna nang pormal na nagsumite sina Lacson at ang kanyang team sa Office of the Ombudsman ng hindi bababa sa 45 case study na suportado ng mga opisyal na dokumento at naglalaman ng tinatawag nilang “systemic anomalies” sa mga flood control infrastructure project sa Taguig. Kasunod nito, nagsagawa ang Ombudsman ng fact-finding investigation sa mga alegasyon.
Nagsumite rin sina Lacson at ang kanyang team sa Ombudsman ng mga nakalap nilang ebidensya kaugnay ng umano’y ilegal na reclamation at mga infrastructure project sa bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Taguig City.
Nagbabala rin si Lacson kay Dizon na ang anumang pagtatangkang pagtakpan ang mga anomalya sa mga infrastructure project sa Taguig ay maaaring maglantad sa mga sangkot sa posibleng pananagutan sa kriminal. Ernie Reyes