MASBATE, Philippines – Sinuri ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang “Magulang Para sa Pag-unlad ng Bata” o MaPangBata module ng Family Development Session (FDS) ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Barangay Gilotongan nitong Setyembre 28.
Ayon kay DSWD Asst. Secretary Irene Dumlao, nakatuon ang sesyon sa positive parenting at epektibong komunikasyon upang suportahan ang pag-unlad ng mga bata. Nakabatay ang MaPangBata sa International Child Development Programme (ICDP), na nagsusulong ng mas matibay na ugnayan ng mga magulang at anak.
Nagsisilbi ang FDS bilang pagsasanay para sa mga benepisyaryo ng 4Ps sa kalusugan, nutrisyon, edukasyon at psychosocial needs ng kanilang mga anak.
Bukod dito, nakipag-usap si Gatchalian sa mga 4Ps parent-leaders at field implementers upang malaman ang kanilang mga mungkahi at hamon sa pagpapatupad ng programa.
Dumalo rin sina DSWD Field Office 5 Director Norman Laurio at Cawayan Mayor Edgar Condor.
Ang 4Ps, na inilunsad noong 2008 at isinabatas sa ilalim ng RA 11310 noong 2019, ay nagbibigay ng conditional cash assistance sa mahihirap na pamilya upang mapabuti ang kalusugan, nutrisyon at edukasyon ng kanilang mga anak. SANTI CELARIO