MANILA, Philippines – Inihayag ni presiding officer Senator-judge Francis Escudero nitong Martes na hindi sakop ng sub judice rule ang mga pahayag ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na inilabas bago siya humarap bilang testigo sa Senate impeachment court.
Tinutukoy ni Escudero ang pahayag ni Mayor Duterte noong Setyembre 22, kung saan sinabi nito na siya at lahat ng empleyado ng Davao City government ay “never had any knowledge” sa umano’y ugnayan ng kanyang kapatid na si VP Sara Duterte sa GenCorp Industries Inc.
Ang GenCorp ay isa sa mga kumpanyang tinatalakay sa impeachment trial ni VP Duterte, partikular sa alegasyon ng unexplained wealth. Mayroon din itong mga kontrata sa lokal na pamahalaan ng Davao City.
Ayon kay Escudero, hindi pa saklaw si Mayor Duterte ng Rule 18 nang gawin niya ang nasabing pahayag kahit naisuhan na siya ng subpoena.
“To enrich the records and inform the parties, Rule 18 did not apply to Mayor Duterte when he made his statement although the subpoena was already issued. At that time, he was not yet a witness of this court, it is only now after he took his oath that he became a witness of the court and therefore Rule 18 applies to him,” paliwanag ni Escudero.
Ibig sabihin, mula sa oras na nanumpa na si Baste bilang testigo ngayong Martes, sakop na siya ng sub judice rule ang anumang sasabihin niya sa loob at labas ng hukuman.
Sa ilalim ng Rule 18 ng impeachment rules, ipinagbabawal sa mga senador, prosecutor, respondent, abogado at mga testigo na magbigay ng anumang komento o pahayag sa publiko tungkol sa mga merito ng nakabimbing impeachment trial.
Ang lalabag ay unang pagmumultahin ng public reprimand na may babala. Sa susunod na paglabag, maaaring pagmultahin ng P30,000 at ipagbawal pang magsalita, tumutol o magtanong sa mga testigo sa plenaryo.
Patuloy ang pagdinig ng Senate Impeachment Court sa Article II ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Ernie Reyes