Home NATIONWIDE Pag-alis kay Bonoan bilang akusado sa kaso ni Sen. Jinggoy, ‘di pinayagan...

Pag-alis kay Bonoan bilang akusado sa kaso ni Sen. Jinggoy, ‘di pinayagan ng Sandiganbayan

3
0

MANILA, Philippines – Hindi pinagbigyan ng Sandiganbayan Second Division ang kahilingan ng Office of the Ombudsman na alisin si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan bilang akusado sa graft case na kinasasangkutan ni Sen. Jinggoy Estrada.

Layunin sana ng Ombudsman na gawing state witness si Bonoan upang makatulong sa iba pang kaso kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects.

Ayon sa korte, maaaring maapektuhan ang depensa ni Estrada kapag inalis si Bonoan dahil na-arraign na ang senador at nakabatay ang kanyang depensa sa orihinal na impormasyon ng kaso, kung saan nakasaad ang umano’y pagkakasabwatan nila.

Sinabi rin ng Sandiganbayan na ang pagtanggal kay Bonoan ay maaaring maglimita sa mga depensang maaaring gamitin ni Estrada at makaapekto sa pagtalakay sa kani-kanilang papel sa umano’y krimen.

Gayunman, hindi isinara ng korte ang posibilidad na maging testigo si Bonoan sa hinaharap. Maaari pa ring humiling ang prosekusyon na siya ay i-discharge bilang state witness kapag natugunan ang mga kinakailangang rekisito.

Ang graft case ay kaugnay ng umano’y P213.75 milyong kickback mula sa dalawang DPWH flood control projects sa Bulacan na isinama sa 2025 national budget.

Sa hiwalay na plunder at graft cases sa Sandiganbayan Fifth Division, nauna namang inalis si Bonoan bilang co-accused at pinayagang maging state witness sa iba pang kaso. Dahil dito, nananatili siyang akusado sa natitirang graft case sa Second Division kasama si Estrada. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here