Home NATIONWIDE Truth Commission, bubuo ng registry sa drug war killings

Truth Commission, bubuo ng registry sa drug war killings

3
0

MANILA, Philippines – Nagsisikap ang civil society-led Truth Commission na bumuo ng registry para magkaroon ng mas malinaw at magkakatugmang bilang ng mga nasawi sa kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Hinimok ng komisyon nitong Martes ang mga pamilya ng biktima, organisasyon, abogado, mamamahayag at researchers na magbahagi ng kanilang mga rekord tungkol sa mga insidente ng pagpatay.

Saklaw ng registry ang mga drug-related killings mula 2016 hanggang 2022 at layuning pagsama-samahin ang iba’t ibang tala, kabilang ang mga rekord ng gobyerno, nang hindi inaangkin o kinokontrol ng komisyon ang lahat ng database.

Ayon sa mga international at local watchdog, umabot sa tinatayang 30,000 ang mga nasawi, habang nasa humigit-kumulang 6,000 naman ang opisyal na bilang ng pulisya.

Sinabi ng komisyon na makatutulong ang registry upang matukoy ang mga biktima, malaman ang mga nangyari, makatulong sa pananagutan at kompensasyon para sa mga pamilya, at maiwasan ang pag-uulit ng mga insidente.

“We are asking whether we can build a shared layer that connects it while respecting and protecting the people and communities who have stewarded these records,” ayon kay Bono Olgado, director ng commission for documentation, archives and memorialization.

Ayon sa komisyon, patuloy rin nitong isinasagawa ang “healing-based justice” sa pamamagitan ng pakikinig sa mga kuwento ng mga pamilya ng biktima, kabilang ang mga hindi sakop ng kasong kinakaharap ni Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Nananatiling detained sa The Hague si Duterte at nahaharap sa ICC trial na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here