Home NATIONWIDE PBBM, kinilala mga guro, militar at pulis bilang mga bagong Outstanding Filipinos...

PBBM, kinilala mga guro, militar at pulis bilang mga bagong Outstanding Filipinos ng Metrobank Foundation

3
0

MANILA, Philippines – Kinilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Martes ang mga guro, sundalo, at pulis bilang mga frontliner sa nation-building dahil sa kanilang dedikasyon sa serbisyo publiko, pagpapalakas ng mga institusyon, at pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino.

Sa kanyang talumpati sa awarding ng Medallion of Excellence para sa 2026 Metrobank Foundation Outstanding Filipinos, kinilala ng Pangulo ang 10 awardee dahil sa kanilang mga taon ng serbisyo at sakripisyo.

Sinabi ng Pangulo na ipinakita ng mga awardee na ang nation-building ay hindi lamang isinasagawa sa matataas na tanggapan kundi maging sa mga silid-aralan, institusyon at komunidad sa buong bansa.

“Ang award ay pagkilala sa mga natatanging propesyonal sa larangan ng edukasyon, militar, at pulisya na nagdulot ng malaking pagbabago sa buhay ng kanilang mga komunidad sa pamamagitan ng kanilang paglilingkod. Magkakaiba man ang kanilang mga unipormeng isinusuot, iisa naman ang kanilang layunin—ang unahin ang paglilingkod sa ating mga mamamayan higit sa lahat.” ang pahayag ni Pangulong Marcos.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang ambag ng mga awardee mula sa sektor ng edukasyon sa pagpapahusay ng pagkatuto sa pamamagitan ng culturally responsive tool, mga makabagong pamamaraan sa pagtuturo ng physics, at pananaliksik sa mga umuusbong na teknolohiya.

Binanggit din ng Pangulo ang kontribusyon ng mga awardee mula sa militar sa pagpapalakas ng koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno, pagpapahusay ng efficiency sa pamamagitan ng digital platforms, at pagpapalakas ng maritime awareness at operational preparedness sa West Philippine Sea.

Sinabi pa ng Pangulo na ipinakita ng mga awardee mula sa pulisya ang kahalagahan ng prevention at innovation sa public safety, kabilang ang mga hakbang upang mailayo ang mga kabataan sa krimen.

“Ipinapakita ng ating mga pinarangalan  ang kahalagahan ng pag-iwas sa krimen at paggamit ng mga makabagong pamamaraan para sa kaligtasan ng publiko. Kabilang dito ang paggabay sa mga kabataan upang mailayo sila sa krimen, pagpapalakas sa papel ng kababaihan sa mga kampanya laban sa ilegal na droga, at paggamit ng mga digital system upang mapabuti ang kaligtasan sa mga lansangan,” Aniya pa rin.

Sinabi rin ng Pangulo na ang kanilang serbisyo ay kaakibat ng mga hakbang ng kanyang administrasyon upang suportahan ang mga guro, palakasin ang kakayahan ng security forces at mabigyan ang mga pulis ng kinakailangang kagamitan upang mapanatiling ligtas ang mga komunidad.

“Sa ating sampung pinarangalan, nais kong malaman ninyo na nakikita ng inyong kapwa Pilipino ang inyong mga nagawa at patuloy na ginagawa, at taos-puso silang nagpapasalamat sa inyong paglilingkod. Ipinapaalala ninyo sa atin na ang pagtataguyod ng bansa ay hindi lamang nasasaklaw ng matataas na posisyon sa pamahalaan. Isinasakatuparan din ito sa mga silid-aralan, institusyon, at mga komunidad sa buong bansa,” ani Pangulong Marcos.

Nagpasalamat naman ang Pangulo sa Metrobank Foundation sa pagkilala sa mga natatanging Pilipino at hinikayat ang mga awardee na patuloy na magbigay-inspirasyon sa iba sa pamamagitan ng kanilang halimbawa sa serbisyo publiko.

Kabilang sa mga tumanggap ng parangal sina Dr. Emmanuel D. Guarde ng Naujan, Oriental Mindoro; Master Teacher Sheila Marie M. Amigo ng Siay, Zamboanga Sibugay; Dr. Cecilia O. Bucayong ng Maramag, Bukidnon; Dr. Jefferson A. Hora ng Iligan, Lanao del Norte; Staff Sergeant Joebelle O. Cerdinio ng Ipil, Zamboanga Sibugay; Staff Sergeant John Daren P. Noche ng Butuan City, Agusan del Norte; Lieutenant Colonel Rommel M. Geli; Police Master Sergeant Dwight Alexis B. Supsupin; Police Major Baby Rose P. Cajulao; at Police Lieutenant Colonel Robert R. Mansueto.

Mahigit apat na dekada nang kinikilala ng Metrobank Foundation ang mga natatanging Pilipinong naglilingkod sa bansa. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here