MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement Chair Sen. Francis “Chiz” Escudero ang Senate Bill No. 2503 na naglalayong magbigay ng rental housing subsidy o tulong sa upa para sa mga pamilyang nawalan ng tirahan.
Sa kanyang sponsorship speech, binigyang-diin ni Escudero ang pangangailangan ng transitional shelter assistance para sa milyun-milyong Pilipinong napapalayas, nabibiktima ng kalamidad, o naapektuhan ng mga infrastructure project.
“Ang bahay na pinag-ipunan nang ilang taon ay maaaring mawala sa isang iglap. At ang muling pagtatayo nito ay maaaring abutin din ng ilang taon,” sabi ni Escudero.
“Ito ang pasanin ng milyun-milyong pamilyang Pilipino na nawawalan ng tahanan. Ang panukalang ito ay para sa kanila,” dagdag niya.
Ang Rental Housing Subsidy Act ay magbibigay ng pansamantalang tulong sa upa habang naghihintay ang mga pamilya ng permanenteng pabahay o relocation.
“The objective is simple: if we cannot immediately provide a family with a permanent home, we should not leave them without a place to live while they wait,” paliwanag ng senador.
Bibigyan ng prayoridad ang mga pamilyang nakatira sa danger zones, sa lupang kailangan para sa public infrastructure, at sa mga lugar na hindi angkop para sa tirahan.
Ang halaga ng subsidy ay ibabatay sa prevailing rental rates, pangangailangan ng pamilya, at kakayahang magbayad, pero hindi ito lalagpas sa aktwal na upa.
Ayon kay Escudero, maaaring ibigay ang subsidy sa dalawang paraan:
· Direktang bayad sa mga lessor o may-ari ng inuupahang bahay
· Rental vouchers na magagamit sa mga pampublikong rental housing
Maaaring ibigay ang subsidy nang hanggang tatlong taon sa unang pagkakataon, at maaari itong i-renew kada taon basta’t eligible pa rin ang pamilya at wala pa silang permanenteng matitirhan.
“Dahil hindi humihinto ang buhay kapag nawalan ng tahanan ang isang pamilya. Habang sila ay bumabangon, sinisiguro ng panukalang ito na mayroon silang ligtas na matitirhan,” pagtatapos ni Escudero. Ernie Reyes