Home NATIONWIDE 23 patay sa baha sa Thailand; Suvarnabhumi Airport apektado

23 patay sa baha sa Thailand; Suvarnabhumi Airport apektado

4
0

BANGKOK, Thailand — Umakyat na sa 23 ang nasawi dahil sa malalakas na pag-ulan at pagbaha sa Thailand mula Setyembre 16, habang nagdulot din ang kalamidad ng malawakang aberya sa pangunahing paliparan ng Bangkok.

Ayon sa Interior Ministry ng Thailand, kabilang sa mga nasawi ang apat mula sa Bangkok, na binaha matapos makapagtala ng humigit-kumulang 320 millimeters ng ulan sa loob lamang ng tatlong araw—halos katumbas ng karaniwang ulan sa kabisera para sa buong buwan ng Setyembre.

Umabot sa 42 lalawigan ang naapektuhan ng pagbaha, habang tinatayang nasa $367 milyon ang pinsala sa dalawang dosenang probinsya.

Bagama’t patuloy na bukas ang mga pangunahing paliparan ng Bangkok, nakaranas ng matinding aberya ang Suvarnabhumi Airport matapos hindi makapasok sa trabaho ang humigit-kumulang kalahati ng personnel ng Thai Airways dahil sa baha.

Sinabi ng airline na kinailangan nitong bawasan ng humigit-kumulang 30 flights o 30% ng nakatakdang departures nito mula Bangkok noong Martes. Umabot din sa tinatayang 5,600 bagahe ang naantala sa paliparan. Halos lahat ng flights ng airline sa nakaraang dalawang araw ay nakaranas ng delay.

Samantala, sinabi ni Bangkok Governor Chadchart Sittipunt na inaasahang mawawala ang baha sa mga pangunahing kalsada sa loob ng dalawang araw, bagaman maaaring umabot ng isang linggo bago tuluyang humupa ang tubig sa ibang lugar.

Inaprubahan naman ng gobyerno ng Thailand ang mahigit 4 bilyong baht para sa agarang pagtugon sa epekto ng baha. Pinahintulutan din ang isang 160-bilyong-baht drainage project na layong palakasin ang flood protection sa Bangkok, mga karatig-lugar at central Thailand. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here