LANAO DEL NORTE — Nasabat ng mga awtoridad ang isang ambulansiya na may kargang mahigit P1 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo sa isang checkpoint sa Kapatagan, Lanao del Norte madaling-araw nitong Martes, Setyembre 29.
Pinara ng mga tauhan ng 2nd Provincial Mobile Force Company ang Toyota Hi-Ace emergency patient transport vehicle sa Purok 1, Barangay Bansarvil 1 habang bumibiyahe mula Sultan Naga Dimaporo patungong Kapatagan.
Ayon sa Police Regional Office-10, napansin ng mga awtoridad na walang blinker at sirena ang sasakyan. Nang inspeksiyunin ang likurang bahagi na natatakpan ng kurtina, tumambad ang mga kahon ng sigarilyo.
Nakumpiska umano ang 22 master cases ng New Far Red cigarettes at limang master cases ng iba pang brand, na tinatayang nagkakahalaga ng P1.08 milyon.
Inaresto ang 31-anyos na driver at ang kanyang 19-anyos na kasama at dinala sa Kapatagan Municipal Police Station para sa dokumentasyon.
Batay sa paunang impormasyon ng pulisya, hiniram umano ng driver ang ambulansiya sa isang kaibigang empleyado ng lokal na pamahalaan ng Sultan Naga Dimaporo. Patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang naturang impormasyon at kinukuha ang panig ng lokal na pamahalaan at ng mga naaresto.
Nasa kustodiya muna ng 2nd Provincial Mobile Force Company ang sasakyan at mga nakumpiskang sigarilyo habang hinihintay ang pormal na turnover sa Bureau of Customs para sa kaukulang disposisyon at posibleng legal na aksiyon. Mary Anne Sapico