Home NATIONWIDE ‘Pandidikta’ ni Lacson sa flood control probe, binatikos ni Cayetano

‘Pandidikta’ ni Lacson sa flood control probe, binatikos ni Cayetano

4
0

MANILA, Philippines – Binatikos ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Martes si Senator Panfilo “Ping” Lacson dahil kung umasta na tila may kapangyarihan sa isinasagawang imbestigasyon sa flood control scam, lalo na kapag may kinalaman sa Taguig City.

Sa isang Facebook livestream nitong September 29, tinawag ni Cayetano si Lacson na “Chief Justice, Prosecutor, at Justice Secretary” at sinabing para itong nagdidikta kung paano dapat isagawa ang mga imbestigasyon ng ahensya.

 

“Si Senator (Ping) Lacson kasi ay Chief Justice Lacson, Prosecutor Lacson, DOJ (Department of Justice) Lacson, Secretary Lacson – siya na ang lahat. Siya na ang nagdidikta eh – sa LLDA (Laguna Lake Development Authority), Blue Ribbon Committee, DILG (Department of Interior and Local Government), at PRA (Philippine Reclamation Authority). Kahit sila na mismo ang magsabi, babaguhin niya,” sabi ni Cayetano.

 

Ginawa ni Cayetano ang mga pahayag sa gitna ng hindi pagkakasundo sa sinabi ni Public Works Secretary Vince Dizon tungkol sa umano’y mga ghost project sa Taguig. Aniya, pinagbibintangan siyang inimpluwensiyahan ang naging resulta ng imbestigasyon ni Dizon dahil sa naging working relationship nila noon.

 

Pero giit niya, malapit din si Lacson kay Dizon. “Nilagyan kaagad ng kulay at malisya na dahil malapit ako kay Secretary Vince Dizon ay parang niluto namin o niya o kaming dalawa y’ung sinabing walang ghost project sa Taguig. So unang-una, lilinawin ko po iyon – si Senator Ping Lacson po ay malapit na malapit kay Secretary Dizon,” sabi ng senador.

 

Tinanong din niya kung bakit si Lacson ay parang may buong access sa mga ulat ng imbestigasyon habang siya mismo ay walang natanggap kahit isa mula kay Dizon.

 

“Eh ako, ni isang papel, hindi binigyan ni Secretary Dizon ng kopya. Pero sabi niya, open daw sa lahat,” sabi niya.

 

Binanggit din ni Cayetano ang ambisyon ni Lacson na maging Pangulo na maaaring isa sa mga dahilan ng kanilang hidwaan.

 

“May ambisyon talaga siya maging Presidente at galit talaga siya sa akin kasi nga, nung natanggal sila (sa posisyon), naapektuhan ang plano niya. Pero ang hindi niya alam, even before that, nag-erode na ang public trust sa kanya kasi may pinipili lang (na imbestigahan),” wika niya.

 

Binanggit din ni Cayetano kung paano paulit-ulit na nagbanta si Lacson na ipapakulong siya.

 

“Covertly, sinabi na ni Senator Lacson iyan, paulit-ulit na sabi niya, ‘pakukulong ko iyan.’ He said it in different ways… Basta’t kay Senator Lacson, basta’t nangyari sa Taguig, automatic si Alan Cayetano may kasalanan,” aniya.

 

Nanawagan si Cayetano kina Lacson at Dizon na sundin ang utos ng Pangulo na walang dapat na ligtas sa pananagutan.

 

“Kapag sinabi mong walang sasantuhin, that goes both ways. That means no one guilty will be left behind. So kapag guilty iyan, ituro mo kahit gaanong kalapit sa Pangulo. Pero it also means that if someone is innocent, hindi mo sasabihin na guilty siya,” aniya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here