MANILA, Philippines – Matinding kinastigo ni Sen. Raffy Tulfo ang Department of Trade and Industry (DTI) hinggil sa malapagong na pagkilos ng ahensiya sa reklamo ng consumer na umabot sa mahigit 42,000 at nalulutas nang aabot sa pitong buwan kada reklamo.
Sa ginanap na deliberasyon ng badyet ng DTI, natuklasan ni Senador Raffy Tulfo na umaabot sa pitong buwan bago maresolbahan ang reklamo ng isang consumer laban sa produkto at serbisyo.
Dito, kinuwestyon ni Tulfo ang implementasyon ng “No Return, No Exchange” policy.
Aniya, marami pa rin ang lumalapit sa kanyang tanggapan laban sa mga depektibong produkto na hindi maibalik dahil “nagtatago” ang mga nagtitinda.
Sinabi ni DTI Fair Trade Group Asec. Regino Mallari na may Consumer Care Unit ang ahensya na unang nagme-mediate sa magkabilang panig. Kung hindi maresolba, dadalhin ito sa adjudication division ng DTI.
Nang tanungin kung gaano katagal, inamin ni Mallari na 1 buwan ang mediation at 6 na buwan naman ang adjudication.
“Holy shoot. 30 days plus another six months? That’s seven months. Wow! That’s crazy. Hurry it up. You’re fooling people,” sabi ni Tulfo.
Tinawag pa ni Tulfo na “tamad” ang proseso ng DTI.
“Can you shorten it? That six months is a long time, Asec. Those six months are for a lazy system. Maybe when your system was created, the person who crafted your system was lazy,” giit ng senador.
Sinabi ni Mallari na sa 42,000 reklamo noong 2025, nasa 70% hanggang 80% ang nareresolba sa mediation stage at tumatagal lang ng 10 hanggang 15 araw. Sa natitirang 20% hanggang 30% na umaabot sa adjudication, 100% na aniya ang nareresolba sa Metro Manila.
Pero hindi naniwala si Tulfo. “You’re lying because I can get back to you and show you proof that it’s not 100 percent,” banat ng senador.
Ipinaliwanag naman ni DTI Secretary Ma. Cristina Roque na kaya mabagal ang proseso ay dahil kulang sa budget at manpower ang ahensya.
“We need more budget to upgrade our technology for market monitoring, enforcement, and consumer assistance. Because there is a surge of products being sold on e-commerce platforms, and there is also a surge of substandard products. There’s nonstop complaining, but the number of people we have is still the same,” sabi ni Roque.
Sa kabila ng mainit na sagutan kanina, sinabi ni Tulfo na susuportahan niya ang hiling ng DTI para sa dagdag na budget dahil naintindihan niya ang problema sa kakulangan ng tauhan. Ernie Reyes