MANILA, Philippines – PUSPUSANG pinaghahandaan ng gobyerno ang pagdating ng super El Niño at mga epekto nito sa bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na alinsunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na gawin ang lahat ng hakbang upang maiwasan ang kakulangan sa tubig at malubhang tagtuyot sa buong bansa.
Bilang tugon, naglatag aniya ang National Irrigation Administration sa pamumuno ni Administrator Eddie Guillen ng mitigation action plan para maibsan ang epekto ng parating na tag-init sa mga lupang sakahan.
“Ayon sa plano, gagamitin ng ahensiya ang groundwater maps ng Mines and Geosciences Bureau upang tukuyin ang mga posibleng groundwater sources para suportahan ang solar-powered pump irrigation systems,” ang sinabi ni Castro.
Paiigtingin din aniya ng NIA ang inventory at maintenance ng solar-powered pump irrigation systems at ang repair and rehabilitation ng mga lumang pump irrigation systems para masiguro na tuluy-tuloy lang ang operasyon ng mga ito.
“Magdi-deploy naman ng mobile solar pumps ang NIA sa drought-prone and water-stressed areas para sa mabilisang pag-tugon sa tagtuyot lalo na sa vulnerable farming communities,” ang tinuran ni Castro.
Magsasagawa rin aniya ng desilting and clearing operations ang ahensiya sa irrigation canals para ayusin ang daloy ng tubig, pataasin ang water-carrying capacity ng mga ito at tiyakin na maayos ang irigasyon sa kabila ng inaasahang mas manipis na supply ng tubig. KRIS JOSE