MANILA, Philippines – Isang mas magandang buhay ang naghihintay sa 49 na pamilya na naabot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa isang tunnel sa kahabaan ng Osmeña Highway nang lumipat sila sa kanilang mga bagong tahanan sa St. Ildephonsus Resettlement Village, Barangay Anyatam sa bayan ng San Ildefonso, Bulacan nitong Miyerkules, Setyembre 30.
Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na ang turnover ng mga housing units, na ipinagkaloob ng National Housing Authority (NHA), ay isang mahalagang hakbang upang matiyak na ang mga pamilya ay nalalayo sa mga panganib na kanilang kinaharap habang naninirahan sa tunnel sa ilalim ng Osmeña Highway sa Malate, Manila.
“Oo materyal na bagay yung ibinibigay namin, pero yung araw na to is more than the material thing e, ito yung babaguhin natin yung buhay nila. Ilalagay natin sila sa mas dignified na pamamahay na angkop para sa bawat Pilipino kasi yun ang utos ng ating pangulo, Pangulong BBM. Pangalawa, kailangan sinisigurado namin na pagdating nila doon, maayos lahat,” ani Gatchalian.
Ang relocation program, na pinagtulungan ng DSWD, NHA at ng Lungsod ng Maynila, ay ipinatupad kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magbigay ng marangal na pabahay at mas magandang kondisyon sa pamumuhay para sa bawat pamilyang Pilipino.
Kaugnay nito nagsagawa ng malawakang paghahandang panlipunan at sensus ang mga kawani ng Pag-Abot Program ng DSWD at ng lokal na pamahalaan (LGU) ng Maynila sa 84 na pamilyang target na matagal nang naninirahan sa tunnel sa Malate.
Habang 49 na pamilya ang tumanggap ng kanilang mga yunit sa isinagawang turnover sa San Ildefonso, Bulacan, ang mga natitirang pamilya naman ay binigyan ng allowance para sa pansamantalang matutuluyan o tulong sa upa habang tinatapos pa ang kanilang mga tahanan.
“Siyempre, gusto ko ring magpasalamat sa National Housing Authority at sa Department of Housing dahil sila ang kumuha ng lugar na paglilipatan nila,” pahayag ni Secretary Rex Gatchalian sa mga mamamahayag.
Samantala, kabilang sa mga benepisyaryong nakalipat na sa kanilang housing unit ay si Lola Lourdes Quitara at ang kanyang pamilya, na nanirahan sa Malate, Maynila simula pa noong dekada ’80.
“Mahalaga yung disente, pag may bahay ka kesa wala kang bahay. Sa tanang buhay ko ngayon lang ako nagkabahay ng sarili. Masaya ako, ayun lang. Wala na akong hihilingin pa, yun lang hihilingin ko at least naka ano, ako ng paraan na sarili kong bahay, papagandahin ko yung bahay,” sabi ni Lola Lourdes. Santi Celario