MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senado nitong Martes, Setyembre 29 sa ikalawang pagbasa ang dalawang panukalang batas ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na naglalayong kilalanin at bigyan ng proteksyon ang mga line worker ng bansa.
Sa ilalim ng panukalang ng Senate Bill No. 2484, ide-deklara ang unang Lunes ng Agosto bawat taon bilang National Line Workers Appreciation Day.
Layunin nito na bigyang-pugay ang mahalagang papel ng mga line worker sa electrification efforts at sa pagtugon sa sakuna.
Ang ikalawang panukala naman, Senate Bill No. 2485: Line Workers Insurance and Benefits Act na nag-uutos sa lahat ng employer na magbigay ng mandatory insurance na hindi bababa sa P300,000 para sa line worker sakaling mamatay o ma-disable dahil sa trabaho.
Kabilang sa iba pang probisyon:
1. Hiwalay ito sa benefits mula sa SSS, collective bargaining agreements, at company policies
2. Sasagutin ng employer ang buong premium ng insurance
3. Multa na P300,000 hanggang P500,000 sa mga hindi susunod
4. Sakop din ang mga line worker na pansamantalang idineploy sa ibang kumpanya para sa emergency restoration o repair
Binigyang-diin ni Escudero ang sakripisyo ng mga line worker na madalas itaya ang buhay para manatiling gumagana ang kuryente at telecommunication system ng bansa.
“Hindi lamang kuryente ang ibinabalik ng ating mga line workers tuwing may sakuna. Binabalik nila ang pag-asa at normal na pamumuhay ng ating mga kababayan,” sabi ni Escudero.
“Ang Senate Bill 2484 ay pagkilala sa kanilang serbisyo, samantalang ang Senate Bill 2485 ay nagbibigay ng kasiguruhan na kapag may nangyaring masama, may benepisyo at proteksyong nakalaan para sa kanila at sa kanilang pamilya,” dagdag niya.
Tinutukoy sa dalawang panukala ang “line workers” bilang mga direktang nagtatrabaho sa pagtayo, pag-install, inspeksyon, maintenance, rehabilitasyon, at pag-aayos ng electrical transmission at distribution systems, gayundin ng telecommunications lines at kaugnay na pasilidad — mapa-overhead man o underground.
Kabilang sa co-authors sa SB 2484 sina Senate President Sherwin Gatchalian at Sen. Erwin Tulfo; at SB 2485: sina Sen. Jinggoy Estrada, at magkapatid na Raffy Tulfo at Erwin Tulfo.
Naghihintay na lamang ang dalawang panukala ng ikatlo at huling pagbasa sa Senado bago ito ipasa sa Kamara. Ernie Reyes