MANILA, Philippines – Mas pinaigting ng Department of Trade and Industry, sa pangunguna ni Secretary Ma. Cristina Roque, ang kanilang kampanya upang mas lalong yumabong ang kaalaman ng isang wais na mamimili.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na alinsunod ito sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang kaalaman ng mga mamimili tungkol sa kanilang karapatan at sa kahalagahan ng pagpili ng ligtas at dekalidad na mga produkto,
Kaugnay aniya nito, inaanyayahan ng DTI ang publiko na makilahok sa Consumer Welfare Month 2026 ngayong October na may temang “Safe Products, Confident Consumers.”
Kabilang sa mga aktibidad ng DTI ang mga sumusunod:
Consumer fun run sa Marikina Complex na gaganapin ngayong linggo;
Konsyumer Assembly sa Barangay sa Metro Manila na layuning magturo ng praktikal na consumer safety tips, karapatan at responsibilidad ng mga mamimili;
Certified products expo sa SM Megamall mula October 13 hanggang 15 kung saan makikita ang mga sertipikadong produkto at matutunan kung paano i-verify ang pagiging lehitimo ng mga ito;
National Standards Week at mga programa para ipakita kung paano nakatutulong ang pagsunod sa pamantayan sa kaligtasan ng mga mamimili;
Bagwis Awards at Seal of Legitimacy – layunin nitong kilalanin ang mga negosyong sumusunod sa mga kinakailangan; at
Consumer advocacy making challenge – dito, maaaring gumawa ng short videos tungkol sa product safety at consumer rights.
Kasabay nito, magsasagawa rin ang mga DTI regional at provincial offices ng mga local seminars, community activities, youth programs at mas pinaigting na pagbabantay sa mga pamilihan.
Sa kabuuang iskedyul ng mga aktibidad ng DTI, inaanyayahan ang lahat na bisitahin ang kanilang official website o ang DTI Consumer Care Facebook page.
Patunay lamang aniya na sa programang ito ng DTI, ang Pangulo ay seryoso sa pagtaguyod ng kaligtasan, kalidad at tamang pagpili ng mga produkto upang maging mas responsable at kumpiyansa ang mga mamimili sa ilalim ng bagong Pilipinas. (KRIS JOSE)