Home NATIONWIDE Pagbabalik ng pamamahala ng Mile-Long Property sa Privatization and Management Office, iniutos...

Pagbabalik ng pamamahala ng Mile-Long Property sa Privatization and Management Office, iniutos ni PBBM

5
0

MANILA, Philippines – Inilabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Administrative Order No. 50 na nag-uutos ng pagbabalik ng pangangasiwa at pamamahala sa Mile-Long Property sa Makati City mula sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) patungo sa Privatization and Management Office (PMO).

Layunin ng hakbang na mapabilis ang disposisyon ng ari-arian at matiyak na makukuha ng Pambansang Pamahalaan ang pinakamainam na halaga mula rito.

Ang 22,924-square-meter na ari-arian ay matatagpuan sa Makati Central Business District at nakarehistro sa pangalan ng Pambansang Pamahalaan sa ilalim ng Transfer Certificate of Title No. (458365) S-77242.

Nauna nang inilagay ang ari-arian sa ilalim ng pangangasiwa, pamamahala at redevelopment ng BCDA sa pamamagitan ng Administrative Order No. 21 na inilabas noong 2020.

Sa ilalim ng AO No. 50, inatasan ang PMO at BCDA na isagawa ang mga kinakailangang hakbang para sa agarang turnover ng ari-arian, kabilang ang mga kaugnay na dokumento at rekord.

Ang pagbabalik ng pamamahala sa PMO ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na mas mapakinabangan ang mga ari-arian ng gobyerno, magkaroon ng karagdagang fiscal space, at masuportahan ang mga prayoridad na programa ng pamahalaan.

Pagkatapos ng turnover, inatasan ang PMO na maghanda at magsagawa ng privatization plan para sa ari-arian alinsunod sa Executive Order No. 323, series of 2000, at iba pang umiiral na batas at regulasyon.

Tiniyak na isasagawa ang disposisyon ng ari-arian sa transparent at competitive na paraan upang makuha ng Pambansang Pamahalaan ang pinakamainam na halaga mula rito.

Kailangan din ng PMO na kumuha ng approval mula sa Privatization Council (PrC) bago isagawa ang disposisyon ng ari-arian.

Samantala, inatasan ang Department of Budget and Management (DBM) na pag-aralan at magrekomenda kung paano maaaring gamitin ang kikitain mula sa disposisyon ng ari-arian upang suportahan ang mga prayoridad na programa ng pamahalaan, alinsunod sa umiiral na batas at regular na proseso ng pambansang badyet.

Sa pamamagitan ng Administrative Order No. 50, pinawawalang-bisa rin ang Administrative Order No. 21, series of 2020, at iba pang mga kautusan na hindi naaayon sa bagong order.

Magkakabisa ang kautusan matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon.

Bahagi ang hakbang na ito ng pagsisikap ng administrasyong Marcos na mas mapakinabangan ang mga ari-arian ng pamahalaan at makalikom ng karagdagang pondo na maaaring gamitin para sa mga prayoridad na programa at kapakanan ng sambayanang Pilipino. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here