Home NATIONWIDE Pilipinong nasangkot sa Germany bus crash, tutulungan ng DMW

Pilipinong nasangkot sa Germany bus crash, tutulungan ng DMW

5
0

MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagtulong sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at iba pang Pilipinong nasangkot sa nakamamatay na bus crash sa Germany noong Setyembre 27.

Ayon sa DMW, isa sa dalawang Pilipinong nasawi ay kumpirmadong OFW, habang ilan sa mga sugatan ay mga OFW na nakabase sa Italy at iba pang bahagi ng Europe.

Nagpadala si DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac ng team sa Germany upang makipagkita sa 17 Pilipinong malubhang nasugatan at 14 na bahagyang nasugatan o walang malubhang pinsala, kasama ang kanilang mga kaanak.

“We are mindful that some, if not most or all, of the passengers are OFWs based in Italy or other parts of Europe. The DMW and OWWA are working hand-in-hand with the DFA to extend immediate assistance, hospital support, and welfare monitoring,” ani Cacdac.

Batay sa ulat, bumiyahe ang chartered bus mula Milan, Italy, sakay ang 35 katao—33 pasahero at dalawang driver—patungong Germany para sa taunang Oktoberfest.

Iniulat ng German authorities na lumihis ang bus sa A96 motorway at bumaligtad malapit sa Buchloe.

Kabilang sa tulong ng DMW, Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang repatriation ng mga labi, suporta sa mga naulilang pamilya at medical assistance sa mga sugatan.

Patuloy ding mino-monitor ng Philippine posts sa Germany at Milan ang kondisyon ng mga Pilipinong nakaospital upang maibigay ang medical support, transport o repatriation assistance at iba pang kinakailangang tulong.

Nakikipag-ugnayan din ang Philippine labor at consular officers sa Germany at Italy sa German authorities, medical responders at hospital personnel kaugnay ng imbestigasyon at pangangailangan ng mga pasyente.

“The DMW through its Migrant Workers Office in Berlin and in Milan, in coordination with PCG Frankfurt and PCG Milan will provide the services of legal counsel in their respective jurisdiction to ensure that justice is served to the affected Filipino nationals,” ani Cacdac. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here