Home NATIONWIDE House prosecution, sinita ni Tulfo sa paghaharap ng testigo: ’Be strategic’

House prosecution, sinita ni Tulfo sa paghaharap ng testigo: ’Be strategic’

1
0

MANILA, Philippines – Pinagsabihan ni Senator-judge Raffy Tulfo ang prosecution panel nitong Huwebes dahil umano sa pagpapaharap ng mga testigo na hindi naman kailangan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa simula ng pagdinig, tinanong ni Tulfo si public prosecutor at Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores kung kailan nila ihaharap si dating Sen. Antonio Trillanes IV.

Nang sabihin ni Flores na iaanunsyo nila ang sunod na testigo pagkatapos ng lunch recess, nagbigay ng suhestiyon si Tulfo na mas mainam na mauna si Trillanes bago ang Anti-Money Laundering Council o AMLC.

Ayon kay Tulfo, dapat mauuna si Trillanes dahil ang mga ibubunyag nito ay may kinalaman sa mga bank account na kanyang nakalap noon pa. Pagkatapos daw nun ay kumpirmahin na ito ng AMLC.

“So kung meron siyang mga ibubulgar na bank accounts, mga pera, pumasok lumabas sa accounts na nakuha niya sa kanyang source, then after na makausap natin si senator Trillanes, iko-confirm ‘yan ng AMLC. So dapat mauna muna si Mr. Trillanes and then AMLC, hindi pwedeng ‘yong AMLC and then Trillanes,” sabi ni Tulfo.

Nang sabihin ni presiding officer at Senator-judge Francis Escudero na sasagot si Flores pagkatapos ng tanghalian, sinabi ni Tulfo na ginagawa niya ang mungkahi dahil ilang beses na umano pumalpak ang prosecution sa pagpapaharap ng mga testigo.

“Kasi kung minsan ‘yong prosecution, sorry ah, pumapalpak-palpak kayo, there are times na naglalagay kayo ng mga witnesses na hindi naman kailangan talaga, nagsasayang lang tayo ng oras, nakikita naman ‘yong mga senador inaantok, ‘yong iba panay ang punta sa CR kasi wala eh, parang useless eh ‘di ba?” ani Tulfo.

Dagdag pa ng senador, dapat tiyakin ng prosecution na ang testigo na kanilang ihaharap ay may sasabihing makakatulong sa imbestigasyon. Binanggit din niya ang insidente kung saan may witness na pinagtatawanan online dahil sa paraan ng pagtatanong ng abugado.

“Kukuha kayo ng witness, make sure na ‘yong talagang ‘yong witness na ‘yon ay merong masasabing bagay na makakatulong sa ginagawang imbestigasyon dito sa impeachment.

Meron pa nga kayong kinuha na pinagtatawanan tuloy, nagpapa-cute lang habang kinakausap ang witness na pulis […] So ingat kayo sa pagkukuha ng witness at ingat kayo sa pagsasalang ng mga abugado ninyo d’yan,” giit ni Tulfo.

Hindi binanggit ni Tulfo kung sino ang tinutukoy niya, pero tanging si P/Maj. Joericson Sangalang ng PNP Firearms and Explosives Office pa lamang ang pulis na naipaharap ng prosecution.

Sumailalim si Sangalang sa pagtatanong ni public prosecutor at San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora tungkol sa mga baril ni VP Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio na umano’y hindi nakalista sa SALN ng bise.

Tinuligsa naman ni Zamora ang mga nagkomento online at sinabing “get a life” na lang ang mga ito kung hindi nila kayang tanggapin ang kanyang estilo.

Sinabi ng prosecution nitong Miyerkules na balak pa rin nilang iharap si Trillanes, pero hindi pa malinaw ang magiging pagkakasunod-sunod nito.

Noong Martes, iba naman ang suhestiyon ni Escudero at iminungkahi nito na unahin muna ang kinatawan ng AMLC bago si Trillanes.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here