Home NATIONWIDE Pasig, Taytay tuminta ng kasunduan sa mas madaling biyahe ng tricycle sa...

Pasig, Taytay tuminta ng kasunduan sa mas madaling biyahe ng tricycle sa dalawang lugar

1
0

MANILA, Philippines – Lumagda ang Pasig City at Taytay sa isang Memorandum of Agreement (MOA) upang ayusin ang operasyon ng mga tricycle at mapadali ang biyahe ng mga commuter sa pagitan ng dalawang lugar.

Pinangunahan nina Pasig City Mayor Vico Sotto at Taytay Mayor Allan De Leon ang paglagda sa kasunduan noong Setyembre 25 sa Taytay Leisure Park.

Magsisilbing implementing offices ang Pasig Tricycle Operation and Regulatory Office at Taytay Municipal Tricycle Franchising Regulatory Office.

Sa ilalim ng kasunduan, maaaring maghatid ng pasahero ang mga lehitimong public utility tricycle mula sa anumang punto sa Pasig patungo sa mga itinalagang drop-off point sa Taytay, at mula Taytay patungo sa mga itinalagang drop-off point sa Pasig.

Kabilang sa mga designated drop-off points sa Taytay ang Barangays Dolores, San Isidro, San Juan, Sta. Ana at Muzon.

Sa Pasig naman, maaaring magbaba ng pasahero ang mga tricycle sa mga itinalagang lugar sa iba’t ibang barangay, maliban sa Kapitolyo, Oranbo at San Antonio, alinsunod sa mga lokasyong nakasaad sa kasunduan.

Ayon sa Pasig City government, iaanunsyo sa Facebook page ng Pasig City Public Information Office kung kailan opisyal na magkakabisa ang kasunduan at maaaring ipatupad ang mga napagkasunduang ruta at drop-off points.

Makikinabang dito ang mga commuter, kabilang ang mga estudyante at manggagawa, gayundin ang mga lehitimong tricycle operator at driver.

“Makikinabang dito ang mga pasahero na bumabyahe sa pagitan ng Pasig at Taytay, kabilang ang mga manggagawa, estudyante at iba pang commuters, dahil mas magiging tuloy-tuloy at convenient ang kanilang biyahe,” ayon sa city government.

Nilinaw ng lokal na pamahalaan na drop-off lamang ang pinapayagan sa kabilang lungsod o munisipalidad.

Hindi maaaring kumuha o mag-pick up ng bagong pasahero ang mga tricycle driver sa kabilang lugar.

Hindi rin kailangan ng mga driver na kumuha o magbayad ng special permit para makapagdala ng pasahero mula sa isang locality patungo sa isa pa.

Hindi rin sila huhulihin o bibigyan ng out-of-line violation dahil lamang sa pagtawid sa boundary, basta sumusunod sila sa mga itinakdang kondisyon ng kasunduan.

Nakatakda rin sa MOA ang mga partikular na rutang maaaring daanan ng mga tricycle kapag ipinatupad na ito.

Hinimok naman ang mga tricycle operator at driver na patuloy na sumunod sa umiiral na batas, regulasyon at mga itinalagang passenger pick-up at drop-off areas upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa kalsada.

Ayon sa mga opisyal, mahalagang ruta para sa pang-araw-araw na gawain ng mga residente ang mga kalsadang nag-uugnay sa Pasig at Taytay.

Sa pamamagitan ng mas maayos na koordinasyon, layunin ng kasunduan na gawing mas organisado ang inter-LGU transportation habang pinoprotektahan ang kapakanan ng mga pasahero, driver at operator.

“Ang kasunduan ay bahagi ng pagtutulungan ng Pasig at Taytay upang makapaghatid ng mas maayos na serbisyo at solusyon sa mga pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga mamamayan,” ayon sa city government.

Magkakabisa ang kasunduan sa loob ng isang taon mula sa petsa ng paglagda at notarization. Awtomatiko itong mapapalawig ng isa pang taon maliban kung magbigay ng nakasulat na abiso ang alinmang panig para wakasan ito. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here