Home NATIONWIDE PhilHealth, HMOs, insurers pumayag makipag-ugnayan sa mga benepisyo sa Yakap

PhilHealth, HMOs, insurers pumayag makipag-ugnayan sa mga benepisyo sa Yakap

4
0

MANILA, Philippines – Nakipagkasundo ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa mga private health insurers (PHIs) at health maintenance organizations (HMOs) upang pag-ugnayin ang kanilang mga benepisyo sa ilalim ng Yaman ng Kalusugan Program (Yakap) HMO/PHI Benefit Complementation.

Labintatlong private health plans ang lumagda sa memorandum of understanding (MOU) kasama ang PhilHealth bilang unang hakbang sa pagpapatupad ng programa.

Sa ilalim ng kasunduan, magsisilbing pangunahing provider ng health coverage ang PhilHealth habang ang mga HMO at PHI naman ang magbibigay ng karagdagang coverage para sa mga benepisyong hindi sakop o lumampas sa PhilHealth benefits.

Ayon kay PhilHealth acting president at CEO Dr. Beverly Lorraine Ho, layunin ng partnership na matiyak na makukuha ng mga miyembro ang buong halaga ng kanilang binabayarang premiums sa PhilHealth at private health plans.

“A growing number of Filipinos, especially in the employed sector, are covered twice,” ani Ho. “They pay for PhilHealth and private health insurance plans and members pay for both, but they still don’t get probably twice the value.”

Sa halip na magdoble ang coverage, pagtutulungan umano ng PhilHealth at private health plans ang pagbabayad sa iba’t ibang serbisyo.

Layunin din ng kasunduan na gawing mas simple ang proseso para sa mga pasyente. Maaari nilang gamitin ang PhilHealth at HMO benefits sa iisang healthcare provider, habang mag-uugnayan ang dalawang payer tungkol sa mga gastusin.

Isa sa mga pangmatagalang layunin ng partnership ang pagtukoy kung aling serbisyo ang sasagutin ng PhilHealth at alin ang maaaring akuin ng private health plans.

“Because if we complement, then we pay for certain set of things and our private insurers or HMOs pay for another set of things. And in the end, the patient or members wins,” ani Ho.

Sinabi rin ni Ho na isinulong ang programa matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa mga empleyadong parehong naghuhulog sa PhilHealth at may HMO coverage mula sa kanilang employer.

Sa ilalim ng Yakap, sasagutin ng PhilHealth ang consultations, 13 laboratory tests, piling outpatient medicines sa ilalim ng GAMOT package at outpatient services para sa anim na cancer screening tests.

Saklaw din ng primary care program ang ilang specialized outpatient benefits tulad ng animal bite treatment, maternal care, tuberculosis directly observed treatment o TB-DOTS, HIV/AIDS management at mental health services.

Samantala, sasagutin naman ng HMOs at PHIs ang mga gastusing lampas sa PhilHealth benefits o hindi kabilang sa primary care coverage. Kabilang dito ang specialized procedures, branded medicines at hospital room upgrades.

Ayon sa PhilHealth, gugugol ito ng susunod na tatlong buwan sa pag-aangkop at pag-uugnay ng kanilang mga sistema at proseso sa mga kalahok na HMOs at PHIs bago magsagawa ng pilot program.

Target na ipatupad ang pilot program sa 2027 bilang bahagi ng pagsisikap na pag-ugnayin ang public at private health coverage sa ilalim ng Universal Health Care Act. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here