MANILA, Philippines – Kinontra ng sektor ng magbababoy ang pahayag ng Malakanyang na sa 2027 pa ipatutupad ang pagtaas ng taripa sa 25-34 porsyiento.
Sa pulong balitaan sa Maynila, sinabi ni AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones na dapat kagyat na ibalik sa original na 30% sa Minimum Access Volume (MAV) at 40% lagpas sa MAV ang taripa sa imported na karneng baboy.
Aniya, kung ganon katagal pa ang hihintayin ay tuluyan nang babagsak ang lokal na industriya ng pagbababoy.
Panawagan ng AGAP, pansamantalang bawasan muna ang importasyon ng karneng baboy lalo’t sumadsad na sa P95 hanggang P110 kada kilo ang farm gate price, habang pumapalo sa P190 kada kilo ang puhunan.
Sa pagtaya ng mga hog raisers, umaabot sa P250 milyon kada araw ang nalulugi ng industriya sa buong bansa.
Matatandaang ibinaba noong nakaraang administrasyon sa pamamagitan ng Executive Order 62 sa 15-25 % ang taripa.
Giit ni Briones, kailangang ibalik ito sa 30-40% para maprotektahan ang naghihingalong lokal na industriya ng pagbababoy. Jocelyn Tabangcura-Domenden