MANILA, Philippines – Pinaalala ng abogado ng prosecution na si Lorna Kapunan sa Senado nitong Huwebes na sila rin ang nagpasa ng Safe Spaces Act, matapos sabihin ni Sen. Raffy Tulfo na may miyembro ng prosecution team na “trying to be cute” habang nagtatanong sa isang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang press briefing, sinabi ni Kapunan na naniniwala siyang posibleng napasabi lang si Tulfo, pero iginiit niyang dapat manatiling ligtas na lugar ang Senado para sa mga kababaihan.
“Let me just say that I think the Senate should be reminded that it was the Senate that passed the Safe Space Law,” sabi ni Kapunan. “So we are believing that could be a misstatement, but still believing that the Senate is a safe space for women like us, and for senior citizens like me,” dagdag niya.
Ang Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act ay nilagdaan sa batas ng ama ni VP Duterte na si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Abril 2019. Noong Enero 2025 naman, unanimously na inaprubahan ng Senado sa ikatlong pagbasa ang panukalang nagpapalakas pa sa nasabing batas.
Sa pagdinig nitong Huwebes, Oktubre 1, binatikos ni Tulfo ang prosecution dahil sa umano’y kakulangan sa estratehiya sa pagpapaharap ng mga testigo.
Sinabi niyang dapat makuha ng mga prosecutor ang atensyon ng mga senator-judge. Binanggit niya ang isang pagkakataon kung saan pinagtatawanan umano ang isang testigo dahil “was trying to be cute while talking to the police officer.”
Hindi naman pinangalanan ni Tulfo kung sinong prosecutor ang tinutukoy niya.
Tugon dito ni public posecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, walang miyembro ng prosecution team na nagpa-“cute” sa mga testigo.
“I don’t think mayroon pong nagpapa-cute sa mga witness na mga prosecutors. We are here to do our job, ‘yon pong lahat ng prosecutors na involved ay ginagawa ‘yong kanila pong gampanin para patunayan po ‘yong Articles of Impeachment,” sabi ni Ridon.
“So we respect what he said on whichever matter, but we dispute ’what he mentioned that there were prosecutors trying to play cute before a witness,” dagdag niya.
Hinamon din ni Ridon si Tulfo na tukuyin kung sinong prosecutor ang tinutukoy niya kung may partikular siyang insidente.
“We are proud of our prosecutors, kung meron hong cute dito, Lorna Kapunan lang po ’yon, mga kaibigan,” biro pa niya.
Sa ngayon, isa pa lang na pulis ang naipaharap ng prosecution — si P/Maj. Joericson Sangalang ng PNP Firearms and Explosives Office.
Sumailalim siya sa pagtatanong kaugnay ng Article II ng impeachment complaint tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni VP Duterte na hindi idineklara sa kanyang SALN.
Nagtatanong dito si San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora tungkol sa mga baril nina Duterte at ng asawa nitong si Atty. Manases Carpio na umano’y hindi nakalista sa mga naunang SALN ng bise.
Dahil dito, binatikos online si Zamora ng ilang tagasuporta ni Duterte at tinawag siyang “flirtatious” at “acting cute” habang nagtatanong kay Sangalang. Tumugon si Zamora at sinabihan ang mga basher na “get a life” kung hindi nila matanggap ang kanyang istilo.
Ayon kay prosecution spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang personal at sexist na atake kay Zamora ay layong ilihis ang atensyon mula sa mga isyu sa impeachment trial.
Sinabi rin ni Deputy Speaker Paolo Ortega V na taktika ito ng mga tagasuporta ni Duterte.
Samantala, sinabi ni Gabriela party-list Rep. Sarah Elago na nakatayo ang kanilang grupo sa likod ni Zamora.
“We stand with Rep. Bel Zamora against the misogynistic comments and personal attacks directed at her online following her role in the impeachment trial,” ani Elago.
Iginiit niya na dapat sa mga isyu ng trial manatili ang pokus at hindi sa personalidad o kasarian ng isang kongresista. Ernie Reyes